‘Voltes V Legacy’ ni Mark Reyes aprub na aprub sa Toei Company: Na-surprise sila sa napanood nila!

Voltes V Legacy

MAS naging excited pa ang Filipino viewers nang ibandera ng GMA 7 ang ilang BTS (behind the scenes) video clips sa shooting ng live action version ng “Voltes V Legacy”.

Ngayon pa lang ay atat na atat na ang mga Pinoy fans ng “Voltes V” lalo na yung mga kahenerasyon namin, sa ipinagmamalaking version ng sikat na sikat na Japanese anime series.

Ipinasilip ng GMA 7 ang ilang eksena sa “Voltes V Legacy” na kailangang abangan ng mga manonood — mula sa story board ng serye, sa behind-the-scenes clips hanggang sa bonggang CGI at mga pasabog na action stunts ng mga bida at kontrabida sa programa.

Tumagal lang ng 15 second ang ipinalabas na teaser para sa much-awaited live action series of “Voltes V Legacy” kaya naman bitin na bitin ang mga nakapanood nito.

Bukod dito, isang 2-minute “Voltes V Legacy” featurette din ang ipinalabas sa 2022 Kapuso Countdown at sa GMA New Year Special.

Samantala, proud ding ipinagmalaki ng buong production ng show na nakatanggap ang GMA ng letter of recommendation mula sa Toei Company, LTD., na siyang nagmamay-ari ng “Voltes V” franchise at iba pang sikat na Japanese anime series.

Pinuri ng nasabing production company ang Kapuso production team na nasa likod ng “Voltes V Legacy” dahil naabot nga nito ang mataas nilang expectations sa kabila ng mga kinaharap na challenges dulot ng pandemya.

“‘Yung mga Japanese pa ang nag-praise, they don’t have any revision and they we’re very happy and we’re very surprised with what they saw.

“If there’s any indication or validation du’n sa mga ginawa namin ng buong team ng Voltes V. Siyempre nakakataba ng puso,” ang pahayag ng direktor ng serye na si Mark Reyes sa panayam ng “24 Oras.”

Aniya pa, talagang bawat eksena at special effect sa programa ay kinakarir nila at halos lahat ng involved sa production ay super inspired at motivated para masigurong hindi sila mapapahiya sa viewers kapag ipinalabas na ito.

“In the past 2 years ano, we’ve set, dalawang teasers na ang nailabas natin ng new year so naging tradition na, this year I told the production, let’s give them more,” ani Direk Mark.

Hindi naman sinagot nang diretso ng direktor kung kailan ba talaga ipalalabas ang “Voltes V Legacy”, pero aniya malapit na nila itong matapos in time for its world premiere, “Wow! Probably I could say 50-60 percent ganu’n.”

Bibida rito sina Miguel Tanfelix, Matt Lozano, Raphael Landicho, Ysabel Ortega at Radson Flores bilang sina Steve, Big Bert, Little Jon, Jamie Robinson at Mark Gordon — ang bubuo sa Voltes V team.

Kasama naman sa magiging kontrabida sa serye sina Martin del Rosario at Liezel Lopez bilang Prince Zardoz at Princess Zandra; Epy Quizon as Zuhl; Carlo Gonzalez as Draco; Gabby Eigenmann as Commander Robinson; at Neil Ryan Sese bilang Dr. Hook.

At kung hindi kami nagkakamali, si Albert Martinez naman ang gaganap bilang Smith (Professor Hamaguchi o Dr. Richard Smith), ang commander ng Camp Big Falcon.

Tulad ng mga fans ng “Voltes V”, excited na rin ang cast members ng show lalo na si Matt Lozano who plays the role of Big Bert.

“Kami pong mga cast sobrang excited na po kaya kanina nung nakita ko ‘yung teaser trailer para sa featurette ng Voltes V Legacy, nagulat ako eh, di pa ko ready na makita ‘yung mga reaksyon ng mga tao kasi super excited din talaga ako,” aniya.

https://bandera.inquirer.net/284827/voltes-v-legacy-team-sasabak-na-sa-lock-in-taping-aicelle-maraming-nadiskubre-bilang-mommy
https://bandera.inquirer.net/283417/shooting-ng-voltes-v-legacy-sisimulan-na-direk-mark-ipinasilip-ang-set-ng-camp-big-falcon

Read more...