Kapuso actor Migo Adecer ikinasal na sa non-showbiz girlfriend sa Hong Kong

Migo Adecer at Katrina Mercado

PINAKASALAN na ng Kapuso actor na si Migo Adecer ang kanyang non-showbiz girlfriend na si Katrina Mercado sa Hong Kong.

Naganap ang kanilang wedding kamakalawa, Dec. 30, pero walang ibinigay na detalye sina Migo at Katrina kung saan sila nagpakasal.

Pero base sa mga litratong ibinahagi ng young married couple, nangyari ang kanilang wedding reception sa isang yacht kasama ang ilang kapamilya at malalapit na kaibigan.

Sa kanyang Instagram page, nag-post si Migo ng isang video kung saan makikitang nagkakasayahan ang kanilang mga bisita.

“Mr & Mrs Adecer!” ang maikling caption ni Migo sa kanyang IG post.

“Caught that cork btw,” aniya pa patungkol sa inihagis niyang cork ng wine.

Sa mga post naman ng bride sa IG, ibinahagi niya ang mga litrato nila ng kanyang groom kabilang na ang kanilang “kissing scene” sa isinagawang wine toasting at cake cutting ceremony.

Makikita sa nasabing mga litrato si Katrina suot ang kanyang simpleng knee-length white dress with matching sneakers.

“Perfect day to get married,” ang caption ng wifey ni Migo na ang tinutukoy ay ang napakagandang panahon sa araw ng kanilang kasal.

Kung matatandaan, nito lamang nagdaang Dec. 19 (isang araw bago ang kanyang 22nd birthday) ibinandera ni Migo na engaged na sila ni Katrina. 

“You know what they say, if you like it, then you should put a ring on it,” ang bahagi ng naging pahayag ng Filipino-Australian actor.

Ilan sa mga Kapuso stars na bumati kina Migo at Katrina ay sina Marian Rivera, Rhian Ramos, Jason Abalos, Cassy, Gil Cuerva at marami pang iba.

Unang nakilala si Migo nang tanghalin bilang Ultimate Male Survivor sa reality artista search ng GMA 7 na “StarStruck Season 6” at huli siyang napanood bilang guest star sa romcom series na “Heartful Café” na pinagbidahan ni Julie Anne San Jose.

Samantala, ang napangasawa naman niyang si Katrina ay isang flight stewardess.

Read more...