ALAY para sa mahigit 100 Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagpositibo sa sakit na COVID-19 ang Manila COVID-19 Field Hospital mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila.
Ngayong araw, Dec. 31, naglaan talaga ng panahon si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso para personal na salubungin ang 104 OFW mula sa iba’t ibang bansa na binansagan niyang mga bagong bayani.
Nakasama niya niya rito sina Department of Health Secretary Francisco Duque III, Chief Implementer Sec. Carlito Galvez Jr, Bureau of Quarantine Director Dr. Obet Salvador, at Taguig Mayor Lino Cayetano.
Ayon kay Mayor Isko, ito ay isa lamang simpleng pagtanaw ng utang na loob para sa mga OFW na siyang nagbibigay ng malaking tulong para sa ekonomiya hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa.
“Ito ay ang aming pagpapasalamat sa inyo. Alam ko mahirap maging OFW, of all the things and challenges of being an OFW, tapos there is a threat and stress on your job,” pahayag ni Yorme.
Dagdag pa niya, “Kahit dito man lang masuklian namin ng pagmamalasakit dito sa Maynila na kayo welcome. We will do our best to make you comfortable as much as possible.”
Siniguro naman ni Yorme ang mga pamilya ng OFWs na ang kanilang mga mahal sa buhay ay nasa mabuting kamay ni Dr. Arlene Dominguez na siyang pinuno ng Manila COVID-19 Field Hospital.
Ang Manila COVID-19 Field Hospital ay may 344 na bed capacity at may mga libreng serbisyo hatid sa mga pasyente katulad ng X-ray, oxygen tanks, mga gamot, pagkain, wifi, at aircon.
“Mararamdaman ngayon ng mga OFW na mahal kami ng bansa namin, mahal kami ng gobyerno namin,” aniya pa.
Matatandaan na libreng binakunahan rin ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang humigit kumulang na 20,000 na OFWs ngayong taon upang tulungan silang makalipad sa ibang bansa para sa kani-kanilang mga trabaho.