‘Poblacion Girl’ na nakipag-party at lumabag daw sa quarantine protocols ‘sunog na sunog’ sa netizens

GALIT na galit ang madlang pipol sa babaeng lumabas mula sa quarantine facility ng IATF para makipag-party umano sa isang bar sa Makati City.

Kinilala ng mga otoridad ang inirereklamong Pinay na umuwi ng Pilipinas mula sa Amerika na si Gwyneth Anne Chua, isa sa mga returning Filipino na sumasailalim sa mandatory quarantine sa Berjaya Hotel sa Makati.

Iniimbestigahan na ngayon si Chua matapos makumpirma na may mga nilabag siyang quarantine protocols at nakahawa pa ng COVID-19 sa ilang taong nakasalamuha niya.

Ayon sa Department of Tourism (DOT) pinagpapaliwanag na rin nila ang Berjaya Hotel kung paano at bakit nakalabas o nakatakas si Chua mula sa kanyang kuwarto.

Ayon pa sa ulat, Dec. 22 nang mag-check in si Chua sa Berjaya Hotel at kinabukasan lang, Dec. 23 ay namataan nga ang babae na puma-party-party daw sa isang bar sa Poblacion, Makati.

At pagsapit nga ng Dec. 27 matapos sumailalim sa swab test, ay nagpositibo nga ito sa COVID-19.

Nabatid na nagpadala na ang Department of Tourism ng show cause order sa general manager ng Berjaya Hotel na si Gladiolyn Biala upang hingin ang kanilang paliwanag hinggil sa kontrobersiya.

Ngunit sa interview ng DZBB, nabanggit na ni Tourism Secretary Bernadette Puyat na dinenay ng hotel management na lumabas ang female guest mula sa kuwarto nito. 

Pero ayon kay Puyat, may mga hawak na silang ebidensiya laban kay Chua kabilang na ang mga screenshots ng mga social media post at CCTV footage.

Bukod dito, nasa kanila na rin ang mga signed affidavit ng ilang witness na nahawahan umano ni Chua ng COVID-19.

“We have the signed affidavits, pictures, CCTV, and it was proven that she was not naka-quarantine,” ani Puyat. Dagdag pa niya, “Pagkaalam ko, umamin na naman siya that she cut quarantine. Umamin naman siya.”

“Maraming signed affidavits kasi sila mismo nahawa ng COVID. And mismo yung babae nagyayabang, may connection daw siya.

“Nag-TikTok pa. Ang malas nu’n, nag-positive siya on the fifth day and yung mga nakasama niya, nag-positive din,” pagkumpirma pa niya.

Ipinagdiinan pa ng kalihim na dapat lang sampahan ng kaukulang reklamo ang sinumang lalabag sa ipinatutupad na quarantine protocols ng pamahalaan.

“Nobody is really above the law. Dapat talaga sumusunod. This is a health crisis. Dahil sa kapabayaan niya, nahawa niya mga kasama niya at ang mga kasama niya, nakahawa pa ng ibang tao,” sabi pa ni Puyat sa nasabing panayam.

Samantala, isa nga sa nga trending topic ngayon social media ang kontrobersyang kinasasangkutan ni Chua na sinasampal ngayon ng masasakit na salita ng mga netizens. 

Sa katunayan, may mga naglabas pa ng ilang impormasyon tungkol sa nasabing hotel guest pati na ang iba pang litrato nito sa socmed. 

Tinawag pa nila itong “Party girl” at “Poblacion girl” sa kanilang mga socmed post. May nagsabi pang napakakapal daw ng mukha ng babae dahil sa ginawa nitong pagtakas pakikipag-party umano kahit naka-quarantine pa siya.

“Kung gusto mong mamatay, huwag na nang mangdamay!” ang matapang pang komento ng isang FB user.
Sa ngayon, naka-isolate na si Chua matapod ngang magpositibo sa COVID-19.

Ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año, kinukumpirma na nila kung ilan talaga ang mga posibleng nahawa dahil kay Chua.

“Yung problema, yung mga nakasama niya sa dinner and sa bar, ay mga nagpa-positive na rin. Ang sabi lang about 15 yung nagpa-positive. We need to confirm that,” ani Año. 

Muling naalarma at nabahala ang madlang pipol sa bigla na namang pagtaas ng aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa ilang araw makalipas ang Pasko.

Kahapon, Dec. 30, nakapagtala ang Department of Health ng 1,623 new COVID cases na halos doble sa 889 cases nitong nagdaang Dec. 29.

https://bandera.inquirer.net/291291/hindi-po-kami-inabandona-ni-arjo-at-sanay-wag-nyo-kaming-husgahan-agad-manuel-chua

https://bandera.inquirer.net/287429/rabiya-nakauwi-na-sa-pinas-pero-sasailalim-muna-sa-10-araw-na-quarantine

https://bandera.inquirer.net/297796/tony-labrusca-nagpiyansa-para-sa-acts-of-lasciviousness-case-complainant-umalma

Read more...