Dingdong napalaban ng aksyon kay John: 4 na araw akong binabalibag ni Heneral Luna sa mga dingding!

John Arcilla at Dingdong Dantes

PARA sa Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sulit na sulit ang pagod, puyat at sakit ng katawan na kanyang inabot sa paggawa ng pelikulang “A Hard Day.”

Ito ang entry ng Viva Films sa ginaganap na 2021 Metro Manila Film Festival kung saan nagpatalbugan nga sa akting ang mga award-winning actors na sina Dingdong at John Arcilla kung saan napasabak din sila sa matinding aksyon.

Sa katatapos lang na 2021 MMFF Gabi ng Parangal, naiuwi ng pelikula ang Third Best Picture award at ang Fernando Poe Jr. Memorial Award.

Hindi man nanalo bilang best actor, siguradong feeling winner na rin ang mister ni Marian Rivera dahil sa magagandang review at positive feedbacks mula sa mga taong nakapanood na ng “A Hard Day.”
Sa nakaraang panayam ng press kay Dong, sinabi niyang ito ang unang pagkakataon na nakagawa siya ng pelikula na talagang hardcore action.

“Karamihan po ng action na ginagawa ko, karaniwan sa TV. Siguro bits and piece from other films that I had done. Dito, talagang from start to finish, day one hanggang dulo talaga, talagang hardcore action po siya,” pahayag ng The EDDYS best actor.

At mas lalo pa ngang naging memorable ang movie para sa kanya dahil nakasama niya rito ang 78th Venice International Film Festival Volpi Cup winner (best actor) na si John Arcilla na nagmarka rin sa pagganap niya bilang Heneral Luna.

“It made the experience really more worth it dahil talagang kapag in character si Heneral kasi sobrang nakakatakot siya bilang his character because that’s how much he imbibes his role. No wonder, talaga ang Volpi Cup winner si Ginoong John Arcilla.

“Whenever he wears his character, talahang, kumbaga, kung hindi ka mapapa-action, mapapa-action ka talaga dahil sa husay talaga niya. That’s why I’m very obliged to work with him at ‘yung mga action scenes na ‘yun ay parang naganap na parang totoo,” papuri pa niya kay John.

“And I think kaya rin naging ganito ka-hardcore ‘yung itsura ng pelikula dahil sa collaboration amin, ng mga artists, kami nila Sir John, ‘yung mga gumagawa ng action scenes, si Janno (Gibbs) also where he gives his punchline and everything under the helm of director Law Fajardo at ng aming fight director na si Vincent Soberano,” sabi pa ni Dong.

Patuloy pa niyang kuwento, “‘Yung pinaka-memorable na eksena sa akin siguro ‘yung ending kasi, kumbaga, literal na hard execution talaga ‘yun dahil apat na araw naming ginawa ‘yon, so apat na araw akong binabalibag ni Heneral sa mga dingding at, grabe, sobrang intense talaga no’n kasi hindi ko malilimutan dahil apat na araw namin kinunan.

“Kailangan ‘yung continuity ng dugo, hindi siya nagbabago so may mga marka pa siya ng mga pula-pula,” dagdag pa ng Kapuso actor at TV host.


Si John din daw ang isa sa naging motivation niya para itodo ang kanyang powers sa movie, “Siya ‘yung dahilan kung bakit talaga ako naghanda. Kung ako handa, siya sobrang handa. Siya ‘yung character and natural lang talaga na mapapa-react that way kasi, siyempre, napakalaki ng demand ng mga characters namin.

“Siya, pag-apak na pag-apak pa lang niya sa set, nakakatakot na siya dahil na-imbibe niya ‘yung character niya kaya masasabi ko ‘yung experience ko dito ay kakaiba and it’s really humbling because ang dami mo parating natutunan sa bawat proyektong ginagawa mo.

“At mapalad ako dahil itong chunk ng mga natutunan ko sa nakaraang taon ay nanggaling sa kanya, hindi pa ba kundi sa kanyang globally recognized acting.

“And I’m truly grateful na nabigyan ako ng Viva ng pagkakataon na siya ‘yung nakasama ko kaya sinasabi ko nga sa sarili ko, sana ‘yung ibang artista, lalo na ‘yung mga bata, ‘yung mga bago, ‘yung mga gustong sumubok sa ganitong larangan e, mabigyan din sila ng chance na makatrabaho at makasama siya dahil napakarami nilang matutunan about professionalism, about his love for his craft,” lahad pa ni Dingdong.
https://bandera.inquirer.net/297667/dingdong-miss-na-miss-na-si-misis-at-2-anak-marian-payag-na-ba-sa-faceface-classes
https://bandera.inquirer.net/301214/dingdong-john-aktingan-showdown-sa-a-hard-day-lumebel-sa-bonggang-korean-version

Read more...