Bakbakan sumiklab uli sa Basilan; 6 kawal kritikal

HINDI bababa sa anim na sundalo ang nasugatan nang muling makasagupa ng mga tropa ng pamahalaan ang mga armadong Moro sa Lamitan City, Basilan, kahapon.

Sinalakay ng aabot sa 100 kasapi ng Abu Sayyaf at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang isang gusali sa malapit sa pier ng lungsod alas-9:55 ng umaga, ayon kay Col. Carlito Galvez, commander ng Army 104th Brigade.

Dahil dito aniya ay hinarang ng mga miyembro ng 18th Infantry Battalion at Scout Rangers ang mga armado. Dineploy sa lugar ang mga naturang kawal dahil sa unang sagupaan na nangyari noong Huwebes, ayon kay Galvez.

“Most probably it is related sa Zambo issue saka alam natin na ang Abu Sayyaf gusto nyang magkaroon ng leverage to gain support from the BIFF and the MNLF (Moro National Liberation Front) para maganda ang broad base niya for another recruitment,” aniya pa.

Tumagal nang dalawang oras ang sagupaan bago umatras ang kalaban. Nagpatupad ng evacuation ang pamahalaang panlungsod ng Lamitan City dahil sa mga bakbakan noong Huwebes at kahapon, ayon kay Galvez.

Kahapon ng umaga, di bababa sa 120 pamilya o 2,000 katao na ang lumilikas, ayon kay Ramon Santos, direktor ng Office of Civil Defense-ARMM.

Galing ang mga evacuee sa Brgys. Bulanting, Campo Uno, Colonia, Cabobo, at Balobo, ayon naman kay Senior Supt. Mario Dapilloza, direktor ng Basilan provincial police.

Naniniwala din si Dapilloza na may kaugnayan ang pag-atake ng mga armadong Moro sa “standoff” ng MNLF at mga tropa ng pamahalaan sa Zamboanga City.

“This is a diversionary tactic ng Abu Sayyaf at lost command ng MNLF para ‘yung attention ay ma-focus naman dito, para magkaroon ng division ‘yung operating units sa ground sa Zamboanga,” aniya.

Pinaigting ang seguridad sa Basilan mula pa nang mag-umpisa ang gulo sa Zamboanga, ayon kay Dapilloza. Bukod sa Lamitan City, nagdagdag na rin ng mga pulis at sundalo sa bayan ng Maluso, ayon pa sa police official.

 

UMABOT na sa 22 katao ang nasawi habang nasa 30,000 na ang nagsilikas kasabay ng patuloy na sagupaan sa Zamboanga City kahapon.

Nagpatupad na rin ng forced evacuation ang lokal na pamahalaan sa ilang lugar, ayon kay Adriano Fuego, direktor ng Office of Civil Defense-9.

Nasa pito na ang “affected areas” kahapon ng hapon, kabilang ang Brgys. Zone 4 Poblacion, Mampang, Talon-talon, Kasanyangan, Sta. Catalina, Rio Hondo, Mariki, at Sta. Barbara, ayon kay Fuego.

Bukod sa 22 nasawi, nasa 52 naman ang sugatan dahil sa sagupaan ng mga tropa ng pamahalaan at Moro National Liberation Front (MNLF).

Labing-siyam na kasapi ng MNLF ang nadakip, sumuko, o di kaya’y nasugatan, ayon pa sa awtoridad. Nasunog ang ilang bahay at establisimyento sa Sta. Catalina, Sta. Barbara, Mariki, at Rio Hondo matapos umanong paputukan ng MNLF ng mortar at rifle grenade ang mga umaabanteng tropa ng pamahalaan, na may dalang mga tangke, ilang minuto matapos magsalita si Pangulong Aquino na hindi tatantanan ng gobyerno ang ginawang pag-atake ng MNLF.

Tatlong staff at limang volunteer ng Red Cross ang nasugatan nang sumabog ang isang bala ng mortar sa Lustre st., Brgy. Sta. Catalina, ayon sa grupo.

Bago dumating ang pangulo, pinawalan naman ng MNLF si Fr. Michael Ufana, ang paring Katoliko na kabilang sa mahigit 100 kataong hinostage ng mga rebelde.

Read more...