Playoffs berth para sa No. 2 target ng DLSU

Mga Laro sa Sabado
(MOA Arena)
2 p.m. Adamson vs UE
4 p.m. UST vs La Salle
Team Standings: NU (10-4); FEU (10-4); La Salle (9-4); UST (7-5); Ateneo (7-6); UE (5-7); Adamson (4-9); UP (0-13)

TATANGKAIN ng De La Salle University Green Archers na manalo kontra University of Santo Tomas Tigers at makapuwersa ng playoffs para sa ikalawang puwesto laban sa Far Eastern University Tamaraws sa pagpapatuloy ng 76th UAAP men’s basketball tournament ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

May 9-4 kartada ang Archers sa likod ng National University Bulldogs at Tamaraws na kapwa may 10-4 baraha. Sakaling manalo ngayon ang DLSU ay magkakaroon ng triple tie para sa unang puwesto ang Bulldogs, Tamaraws at Archers.

Dahil sa mas mataas na tiebreak points, mapupunta sa NU ang No. 1 spot habang maglalaban sa playoff game ang FEU at DLSU.
Ngunit kung matatalo ang Archers, ang FEU at NU ang hahawak sa unang dalawang puwesto na may twice-to-beat advantage sa Final Four.

Hindi naman magiging madali ang puntiryang panalo ng DLSU dahil ang UST ay mangangailangan din ng panalo para magkaroon ng momentum papasok sa huling laban kontra sa Ateneo sa Miyerkules.

May 7-5 baraha ang Tigers at nakikipagtagisan sila sa Blue Eagles para sa ikaapat at huling upuan patungong semifinals.
Ang nagdedepensang kampeong Ateneo ay may 7-6 baraha.

Read more...