Balik-laro si PINGRIS ngayon

Mga Laro sa Sabado
(Araneta Coliseum)
3:45 p.m. Barako Bull vs San Mig Coffee
6:00 p.m. Ginebra vs Rain or Shine

MAGBABALIK si Marc Pingris matapos ang two-game suspension upang tulungan ang San Mig Coffee na masungkit ang ikaapat na sunod na panalo kontra Barako Bull sa 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-3:45 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Sa ikalawang laro sa ganap na alas-6 ng gabi ay magtatagpo naman ang defending champion Rain or Shine at crowd-favorite Barangay Ginebra San Miguel.

Ang Mixers, Energy Cola at Elasto Painters ay kapwa may 4-3 records samantalang ang Gin Kings ay may 2-4. Si Pingris ay nasuspindi ng dalawang laro matapos makipag-away kay Kelly Nabong sa sagupaan ng San Mig Coffee at Global Port noong Setyembre 4.

Nagwagi ang Mixers sa Batang Pier, 102-88, at doon nagsimula ang kanilang winning streak. Nasuspindi rin ng isang laro si Joe Devance na nakabalik na sa active duty noong Setyembre 10 upang tulungan ang Mixers na manaig kontra Alaska Milk, 95-82.

Ang San Mig ay pinamumunuan ni Marqus Blakely na makakatapat ni Michael Singletary. Nagsisimula na ring magbalik ang buti ng two-time Most Valuable Player na si James Yap na makakatuwang nina Peter June Simon, Mark Barroca at Allein Maliksi.

Ang Barako Bull ay galing naman sa 120-93 kabiguan sa Rain or Shine at naghahangad na makabawi. Si Singletary ay susuportahan nina Danny Seigle, Mick Pennisi, Mark Macapagal at Emman Monfort.

Nagsisimula namang manumbalik ang galing ng mga Gilas Pilipinas members na sina Gabe Norwood at Jeff Chan kung kaya’t umaangat ang performance ng Elasto Painters.

Ang iba pang locals na inaasahan ni Rain or Shine coach Joseller Guiao ay sina Jervy Cruz, Ryan Araña, Paul Lee at Chris Tiu.
Sa import matchup ay magkikita naman sina Arizona Reid at Dior Lowhorn.

Matindi pa rin ang mga numero ni Reid na itinanghal na Best Import ng torneong ito noong 2011. Sa kabilang dako ay kulang naman sa consistency si Lowhorn.

Leading local performers ng Barangay Ginebra ang reigning MVP na si Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand, Chris Ellis, LA Tenorio at Billy Mamaril.

Samantala, Biyernes ng gabi sa Philsports Arena, binigo ng Air21 Express ang Talk ‘N Text Tropang Texters, 106-102.
Si KG Canaleta, na tinanghal na Best Player of the Game, ay gumawa ng 30 puntos para pamunuan ang Express.

Ang panalo ay pumutol sa apat na diretsong talo ng Air21 na ginamit ang balik-PBA na si Paul Asi Taulava at sinaluhan ang Talk ‘N Text sa huling puwesto sa 2-5 kartada.

Read more...