EXCLUSIVE: Perci Intalan umamin na sa tunay na dahilan kung bakit sila naghiwalay ni Jun Lana

EXCLUSIVE: Perci Intalan umamin na sa tunay na dahilan kung bakit sila naghiwalay ni Jun Lana

SOBRA kaming nalungkot para kina Direk Jun Robles Lana at Perci Intalan nang mabasa namin ang tweet ng una noong Dec.10, na hiwalay na sila pero mananatiling business partners.
Nangako rin sila na mananatiling maayos ang kanilang relasyon bilang parents sa dalawa nilang anak edad 6 at 4. Kasabay nito, humingi rin sila ng privacy at pang-unawa ang una.

Sa ginanap na press preview ng pelikulang “Big Night” ay eksklusibo naming nakausap ang IdeaFirst producer na si direk Perci na tumatawa naman nu’ng simulan naming pahagingan ng tanong.
Nagsabi na okay naman siya at sila ni direk Jun at heto’t may entry sila sa 2021 Metro Manila Film Festival kaya ratsada sila sa promo kasama ang cast na sina Janice de Belen, Nico Antonio, Sue Prado, Soliman Cruz at Christian Bables at excited sila sa fluvial parade of stars.

“Sana lang huwag umulan kasi hindi ako marunong lumangoy,” natatawang sambit sa amin ni direk Perci. Dagdag pa niya, “Pareho kami ni Jun, hindi rin siya marunong lumangoy.”

Maya-maya ay natawang tanong ni PMI sa amin, “Hmmmm, sige ano, ha?”

“Anyare?” sabi namin sa kanya.

“Wala naman, I think ‘yung sinabi ni Jun is pretty much it. Saka sinabi naman niya sa akin na ipo-post niya. Sabi niya, ‘alam mo kaysa pagtsismisan pa tayo tapos kung anu-ano ang isipin nila isang bagsakan, sabihin na natin para tapos na,” malumanay na pahayag ni direk Perci.

Wala kaming alam o baka kami lang kasi wala kaming nabasang nagsulat hanggang sa nag-post na nga si direk Jun na ikinagulat nga ng lahat. Kaya tinanong namin kung may iba bang nakaalam.

“Hindi naman, tsaka kasi if it gets worse and same thing din sa mga anak namin, I don’t know if we did the right thing as a couple. Ang ikinatatakot namin ay baka may away kami na makikita ng mga bata.

“Magsi-six and four (edad ng mga anak), ayaw namin ng trauma na ‘yun. Minsan may mga maliiit na away, okay lang ‘yun pero hangga’t puwede naming desisyunan, dinidisisyunan na namin,” kuwento ni PMI.

Final na ba, baka naman maayos pa? “Well, I think pareho naman kaming we’ve learned na hindi mo puwedeng isara ‘yung sarili mo sa anumang puwedeng mangyari in the same way na huwag mo ring isara ang sarili mo.

“Of course ipaglalaban mo ‘yung commitment, ipaglalaban mo ‘yung kasal. Ramdam n’yo naman pareho if it’s might get worst. Panahon na para maghiwalay kung ‘muna’ o maghiwalay na, hindi natin alam,” paliwanag ng direktor at producer.

Inamin pa ni PMI na nu’ng nagsabing magpo-post si direk Jun ng 1 p.m. ay nagpatay siya ng cellphone at 7 p.m. sa parehong araw ay magkasama sila at nagmi-meeting na sila para sa projects.

“Ang tagal no’n kasi 7 p.m. hanggang 10 p.m. kaming magkausap sa meeting and then the next day namatay ang aso namin (Melbourne) matanda na rin kasi. Sabi nga nila baka naramdaman may kasabihan nga na kapag may pet kang namamatay dinadala nila ‘yun sakit o sama ng….whatever para siya na lang.

“Blessing in disguise kasi magkasama kami no’n. Nakaiyak kami kasi iniiyakan namin ‘yung aso,” detalyadong kuwento pa ni PMI kung paano nila hinarap ang isa’t isa pagkatapos ipaalam sa publiko ang kanilang break-up.

Nabanggit ding magka-text sina direk Jun at Perci habang nasa Aurora, Baler ang huli para magnilay-nilay.

Sabi namin, maraming nagtanong sa amin dahil nga alam na malapit kami kay direk Perci pero wala talaga kaming alam dahil nagulat din kami sa nangyari.

“Actually touched ako, marami nga ang nag-message kaagad, isa ka ro’n. Honestly, wala rin naman kaming (masyadong) sasabihin. Marami kasing nagtatanong ‘what happened?’ at sa kanya (direk Jun) rin (nagtatanong).

“Ngayon siguro natututo na ako pag mag-asawa o kahit na sinong in a long relationship hindi mo matatanong kung anong nangyari kasi hindi moa lam lahat ng pinagdaanan, maliit-malaki di ba?

“Kasi ang dali-daling i-simplify na kunwari may third party o nawala na ang love hindi pala ganu’n kasimple ‘yun,” esplika ni PMI.

Itinanggi na oras ang dahilan kahit nasa lock-in shoot o taping sila sa isa’t isa bukod pa sa magkasama sila sa iisang bubong hanggang ngayon at walang umaalis o pinaalis.

Ipinaliwanag ni direk Perci na ‘yung problema nila bilang husband and husband ay hindi dapat maapektuhan.

“Dahil magiging problema as friends, magiging problema ang co-parent at magiging problema ang business partners kasi kung baga ‘yun ‘yung dimensions sa amin, eh.

“Kung baga para siyang sasakyan na tanggalin mo na agad ‘yung makakasira. So, I think now after ng pagninilay-nilay ko, actually naka-schedule na talaga ‘yung Baler and na-realize ko na maybe we really did the right thing bago pa masira ‘yung friendship, pagiging co-parents at lalo na ‘yung pagiging business partners.

“Naalis na namin ‘yung isang complication I guess. Iba kasi ang expectation pag mag-asawa, eh,” aniya pa.

Hindi naman daw nawala ang pagmamahal nila sa isa’t isa, pero hindi na ito romantically, “Nag-iba na ‘yung love. Nagma-mature, nag-iiba, nag-shift bilang magkaibigan.

“Believer din naman ako eversince na kapag ang dalawang taon nah indi na comfortably living together or being together ‘wag mong i-bind sila na merong pinirmahan, may kasulatan.

“Kasi kahit naman dati nag-aaway ang magulang ko without anything na sabi ko, ‘maghiwalay na lang kasi kayo,'” aniya pa.

Tinanong namin nang diretso si PMI para matapos na rin ang haka-haka ng lahat kung may third party ba sa hiwalayan.

Natawa muna si direk Perci at diretsong tumingin sa camera, “Diyos ko! Ha-haha! Kilala n’yo ako (sabay hawak sa dibdib), kilala n’yo si Jun ang tagal na namin sa industriya mukha ba kaming ‘yung magiging ganu’n?

“Hindi ko naman dyina-judge kasi may mga ganu’n naman sa isang relationship but it’s deeper than that, eh. Ang hirap ipaliwanag, eh. Maraming malilit na bagay and I guess ang take-away is I know that naging poster child, poster children kami ng gay marriage and it’s a big responsibility we never ask for naniniwala pa rin ako that everybody deserves to get married.

“Naniniwala ako na may forever para sa ibang couples. ‘Yung forever na ‘yun can be define in different ways, sa iba tradional na mag-asawa, sa iba non-traditional na mag-asawa, sa iba open relationship na mag-asawa, sa iba, mag-asawa na naging magkaibigan, sa iba naghiwalay pero magkaibigan.

“So, it doesn’t mean na hindi siya forever at naniniwala ako sa amin ni Jun na ito ‘yung forever, at least nandito kami sa isa’t isa supporting each other, caring for each other and it’s reallt more than good enough,” pahayag ni PMI.

Sa tanong kung halimbawang may mahanap silang iba, okay ba sa kanila? “Pinag-usapan namin ‘yun and sabi namin, ‘let’s cross the bridge when we get there.’ Kasi kung anuman ‘yung living arrangements o nag-change sa relationship,” sambit nito.

Naisip din daw nila na dapat may umalis ng bahay o paalisin ng bahay dahil iyon naman talaga ang nakagawian na kapag hiwalay na ang couple.

“Nu’ng una inisip nga namin ‘yun kasi iyon ‘yung natural, di ba? ‘Yun nga, eh, baguhin natin lahat yun. Hindi porke’t sinabing maghiwalay aalis na ng bahay. Sa bahay namin we have two rooms, we have our own space, so sabi namin baguhin natin ‘yung pananaw sa kasal, sa pagsasama, sa paghihiwalay. Puwede naman kasing magkaibigan.

“Nag-decide kaming hindi magse-share sa ibang tao, siya (Jun) rin hindi dapat mag-share pero dahil marami kang tanong (sabay tawa), okay lang. Thank you sa lahat ng nag-reach out, sa lahat ng concerned, we really appreciated, we’re okay. Obviously not great kasi marami pang adjustments but we’re really doing well, and I think we’re happier.

“At sana lesson to everybody na things happened at tanggapin lang natin go with the flow, accept things, labanan hangga’t kaya pero kung hindi kaya huwag n’yong sirain ‘yung relationship n’yo sa mga mahal n’yo sa buhay just because hindi ninyo na-fulfill ‘yung definition ng society kung ano dapat ang relationship n’yo.

“‘Yung relationship n’yo is defined by the two of you kung anuman ‘yun, kung paano man magtsi-change ‘yun, kung paano man magwo-work ‘yun it’s up to you pero nakakapanghinayang kung bibitawan mo just because hindi natsi-check lahat ng nasa boxes,” pagtatapos ni direk Perci.

Anyway, ang “Big Night” ay official entry sa 2021 Metro Manila Film Festival na mapapanood simula sa Dec. 25.

Related Chika:
Jun Lana, Perci Intalan hiwalay na: We request for privacy as we navigate this transition

Read more...