Sharon puring-puri si Julia Montes: Siya ang nakita kong pinakapareho ko sa tunay na buhay

Julia Montes at Sharon Cuneta

PURING-PURI ni Megastar Sharon Cuneta ang Kapamilya actress na si Julia Montes. Magkasama sila ngayon sa long-running action-drama series ng ABS-CBN na “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Wala raw masasabing masama o nega ang veteran singer-actress at TV host sa rumored partner ng Kapamilya Teleserye King na si Coco Martin matapos silang magkaroon ng bonding moments sa taping.

Sa kanyang Instagram page, nag-post si Mega kahapon, Dec. 13, ng mga litrato nila ni Julia na kuha sa isang lugar sa Ilocos kung saan kinukunan ngayon ang mga eksena sa “Ang Probinsyano.”

Aniya sa simula ng kanyang caption, “Mara and Aurora,” na tumutukoy sa kanilang mga karakter sa serye.


Patuloy pa niya, “Sa lahat ng nakasama kong mas mga batang artista sa more than 60 movies ko, si Julia Montes ang nakita kong pinakapareho ko sa tunay na buhay. Bungisngis, malambing, mabait. At magaling na artista. Love this girl!”

Kung matatandaan, in-announce ng ABS-CBN last November na makakasama na si Sharon sa cast ng “Ang Probinsyano” at nabanggit nga ng aktres sa presscon na bukod kay Coco at sa iba pang artista sa serye, excited din siyang makilala at makatrabaho si Julia.

Nagkasama na raw sila noon ng aktres sa pelikulang “Caregiver” na ipinalabas noong 2008 pero hindi sila nabigyan ng chance na makapag-bonding.

Para naman kay Julia, isang dream come true ang makatrabaho muli si Sharon. Magkahalong excitement at kaba raw ang nararamdaman niya noong magsisimula pa lang ang kanilang taping.

“Sobrang espesyal po ng araw na ito para sa akin. Finally makakasama na po namin ang nag-iisa at minamahal nating lahat the Megastar, Ms. Sharon Cuneta! Pasensya na po kayo sa smile ko na-star struck po talaga ako!” ang sabi ni Julia sa caption ng litrato nila ni Mega na ibinahagi niya sa Facebook.
https://bandera.inquirer.net/280634/julia-montes-sa-bahay-na-ni-coco-martin-nakatira
https://bandera.inquirer.net/287479/julia-montes-umaming-super-in-love-ngayon-yes-agad-ang-sagot-kapag-niyayang-pakasal

Read more...