Manghuhula sumablay sa tanong ni Kuya Kim: Ikukumusta ko po kayo kina Tito, Vic & Joey!
Kim Atienza
SUMABLAY ang isang manghuhula sa isang tanong ni Kim Atienza tungkol sa kanyang trabaho sa GMA 7.
Aliw na aliw ang mga manonood nang makipagkulitan si Kuya Kim sa isang fortune teller para sa “Kuya Kim Ano Na” segment niya sa “24 Oras” kamakailan.
Para raw ma-test kung talagang magaling manghula ang nakilala niyang matandang babae ay tinanong niya ito ng simple at very obvious na question.
May nakalagay din kasing karatula sa pwesto ng manghuhula na kapag hindi raw totoo o tumugma ang hula niya sa nais malaman ng taong nagpapabasa ng kanyang kapalaran ay hindi na niya sisingilin ang mga ito.
Unang tanong ni Kuya Kim, “Ano po ba ang trabaho ko ngayon ma’am?”
Sagot naman ng manghuhula, “TV host, lagi ko po kayo napapanood.”
Sumunod na hirit ng Kapuso TV host kung saang programa raw siya napapanood ng matandang babae. Sagot nito, “Sa Unang Hirit minsan o kaya sa Eat Bulaga.”
Natatawa namang pinasalamatan ni Kuya Kim ang fortune teller sabay sabing, “Mommy, maraming salamat po. Ikukumusta ko po kayo kay na Tito, Vic, and Joey. Ito po si Kim Atienza ng Eat Bulaga.”
Pareho kasing mali ang sinabi ni lola dahil hindi naman sa Kapuso morning show na “Unang Hirit” at longest-running noontime show na “Eat Bulaga” siya lumalabas.
Regular na napapanood ang bagong Kapuso host sa daily primetime newscast na “24 Oras” at sa morning talkshow na “Mars Pa More.” Araw-araw din siyang nagho-host sa GTV show na “Dapat Alam Mo!”
View this post on Instagram
* * *
Isang dekada na ang “I Juander” at bilang bahagi ng pagdiriwang sa ika-10 anibersaryo ng programa, samahan sina Susan Enriquez at Mark Salazar sa two-part specials nito ngayong Dec. 12 at 19 sa GTV.
Sa loob ng maraming taon ay mas pinukaw pa nga ng programa ang pagiging mapag-usisa ng mga Pinoy. Mula sa pagkain hanggang sa mga travel destination at kasaysayan ng bansa–anumang paksa, basta tungkol sa pagiging Pinoy, sagot ng “I Juander” ang tanong ng bayan.
“Nakaka-inspire na umabot na sa isang dekada ang programa. Patunay lamang na patuloy na tinatangkilik ng mga manonood ang makabuluhang kaalaman at impormasyon na inihahatid ng I Juander,” ani Susan.
“Taos-pusong pasasalamat sa mga loyal ka-Juander dahil kung hindi sa pagtangkilik ninyo ay hindi tayo aabot sa isang dekada,” dagdag pa niya.
“Ang bayan ni Juan ay binubuo ng napakaraming ibat ibang pamayanan, kultura at tradisyon. Hindi sapat ang isang dekada para kilalanin silang lahat.
“Asahan nyong ipagpapatuloy ng IJuander ang paglibot sa mga rehiyon para kilalanin ang mga komunidad, unawain ang kanilang mga kultura at tikman ang kanilang hinahain. Patuloy namin bibigyan ng kasagutan ang tanong ni Juan,” saad naman ni Mark.
Ngayong Linggo, samahan sina Susan at Mark na tuklasin ang mayamang kultura, pasyalan ang magagandang beach, at tikman ang masasarap na putahe ng tinaguriang Philippine’s Southern Gateway–ang Zamboanga City.
Bibisita ang programa sa Santa Cruz Island kung saan matatagpuan ang ipinagmamalaking pink beach ng Zamboanga. Noon ngang 2017, kinilala lang naman ito ng National Geographic bilang isa sa pinaka magagandang beach sa buong mundo.
Samantala, kabilang sa maraming impluwensya ng mga Espanyol sa probinsya ang masarap at lokal na bersyon ng paella, ang Paella Chavacana. Ipapakita ni Chef Atlee ang orihinal na recipe na mula pa sa kanyang great grandfather na kusinero ng mga Kastila at Amerikano noong panahon ng World War II.
Dahil naman sa gyerang nangyayari sa Basilan, kinailangang magsimulang muli ng mga Yakan sa Zamboanga. Nabuhay sila sa pamamagitan ng kanilang talento sa paghahabi.
At ngayong pandemya, patuloy silang bumabangon sa muling pagbubukas ng Yakan Village. Ilan sa kanilang ibinibida ay ang Yakan Dolls at Yakan make-up na gawa ng 79 na taong gulang na si Apo Jahlinan.
Huwag ding palagpasin ang pagkakataong makatikim ng mga tradisyunal na putahe ng mga katutubong Tausug gaya ng “tiyula itum,” “pipino” at “chicken piyanggang” na ang pangunahing sangkap ay sunog na niyog.
Abangan lahat ng iyan sa “I Juander” ngayong Linggo, 7:45 p.m. sa GTV.
https://bandera.inquirer.net/297785/kuya-kim-dumepensa-sa-paratang-ng-bashers-na-inokray-aniya-ang-showtime
https://bandera.inquirer.net/294599/kuya-kim-sa-pag-alis-sa-abs-cbn-at-paglipat-sa-gma-malungkot-na-masaya-mabigat-na-excited
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.