Angelica Panganiban at Gregg Homan
DESIDIDO na talagang mag-retire ni Angelica Panganiban sa paggawa ng mga teleserye.
At sana raw ay mapanindigan niya ito para naman makapag-focus na siya sa kanyang personal na buhay kabilang na riyan ang pagbuo ng sariling pamilya in the near future.
In fairness, mula noong 1995 (nang gawin niya ang weekly series na Familia Zaragoza) ay nakagawa na ang Kapamilya actress ng 23 teleserye.
“Gusto ko talagang panindigan, but it’s difficult pa rin,” ang pag-amin ng dalaga sa panayan ni Boy Abunda na mapapanood sa kanyang YouTube channel.
“May ibang direksiyon na siyang gustong gawin ngayon, si Angge (palayaw ni Angelica) may ibang gusto nang direksyong gawin.
“Hindi ko makikitang natutupad iyon kung sobrang involved pa rin ako sa paggawa ng teleserye,” paliwanag pa ng aktres.
Actually, 2018 pa lang ay talagang gusto na niyang tumigil sa paggawa ng serye. Ito yung panahong napapanood siya sa “Playhouse” ng ABS-CBN kasama si Zanjoe Marudo.
“Nagsabi na ako sa mama ko. Sabi ko, ‘Ma, ‘tapos na ako sa teleserye, parang ayoko na.’
“Then, siyempre, hindi niya naintindihan. ‘Bakit depressed ka ba? May pinagdadaanan ka ba?’
“Sabi ko sa kanya, ‘Kailangan ba depressed? Hindi ba puwedeng ako naman?’” sey ni Angge na ang tinutukoy nga ay ang kanyang personal na buhay.
Ngunit noong magkaroon nga ng pandemya na sinabayan pa ng ABS-CBN shutdown, inalok siya ng mother network na bumida sa hit series na “Walang Hanggang Paalam” na umere mula September, 2020 hanggang April, 2021 kasama sina Zanjoe Marudo at Paulo Avelino.
“Ngbakasakali ang ABS noong in-offer nila sa akin yung Walang Hanggang Paalam. Nagkataong pandemic, walang prangkisa.
“So parang, ‘Wow, sino ako para tumanggi sa trabaho?’ Iyong mga taong puwedeng kumita kapag tinanggap ko itong project na ito, sige, challenge accepted, game.”
“Pero noong ginagawa ko na siya, doon ko narealize na, ‘Okay. Okay na ako.’ Iyong pagod, naka-lock in, naka-bubble kayo for kalahating taon, parang okay na, okay na talaga.
“Then, siyempre, nagka-lovelife tapos parang baka puwedeng i-enjoy ko muna ito,” aniya pa na ang tinutukoy ay ang relasyon nila ng boyfriend na si Gregg Homan.
Pero sey ni Angelica, pwede namang magbago ang desisyon niya sa pagre-retire sa paggawa ng serye.
“Iyon naman ang usapan, sabi ko naman kina Sir Carlo (Katigbak, ABS-CBN President) and Tita Cory (Vidanes, chief operating officer for broadcast), pero kapag kailangang-kailangan na at saka alam naman nila iyon, iyong kailangang-kailangan.”
Ilan sa mga teleseryeng ginawa ng aktres sa ABS-CBN na talagang nagmarka sa manonood ay ang “Mangarap Ka” (2004), “Vietnam Rose” (2005), “Maging Sino Ka Man: Ang Pagbabalik” (2008), “Iisa Pa Lamang” (2008), “Rubi” (2010), “Apoy sa Dagat” (2013), “Pangako Sa ‘Yo” (2015), “Playhouse” (2018), at “Walang Hanggang Paalam” (2020).
Kung wala nang magbabago sa plano, muling magbibida si Angelica sa bagong iWant original series na “The Goodbye Girl” na mapapanood sa 2022.