Marian napiling judge sa Miss Universe 2021: Sabi ko talaga ba, ako? Totoo ba yan?

Marian Rivera

IBABANDERA ng Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera ang bandila ng Pilipinas sa nalalapit na 2021 Miss Universe pageant na gaganapin sa Israel sa darating na Dec. 12.

Lilipad patungong Eilat, Israel ang misis ni Dingdong Dantes sa darating na Dec. 6 matapos na mapili bilang miyembro ng selection committee para sa ika-70 edisyon ng isa sa pinakasikat at inaabangang beauty pageant sa buong universe.

Sa ginanap na virtual mediacon ng GMA kanina para sa official announcement ng isa na namang bonggang achievement ni Marian, sinabi ng celebrity mom na grabeng excitement ang naramdaman niya nang matanggap ang good news.

Hanggang ngayon nga raw ay hindi siya makapaniwala na magiging bahagi siya ng Miss Universe bilang isa sa mga hurado at bitbit pa ang pangalan ng Pilipinas.

Ani Marian ang unang naging reaksyon niya nang ibalita sa kanya na gusto siyang kuning judge sa Miss Universe 2021, “Sabi ko, totoo ba yan? Ako? Talaga ba? Pero sa totoo lang talagang kinilig ako, na wow! 

“Sabi ko nga, napakalaking karangalan yun para sa akin pati na rin sa bansa natin. At nakakataba talaga ng puso na magkakaroon tayo ng chance na maging part ng isang napakalaking event na mapapanood sa buong mundo,” ang tuluy-tuloy na pahayag ni Marian.

At siyempre, proud na proud din ang asawa niyang si Dingdong Dantes sa bago niyang project 

“Si Dong sobrang supportive naman siya. Sabi nga niya, ‘Wow, nakaka-proud naman you have to go there.’ Ang saya-saya niya rin for me,” kuwento pa ng Kapuso actress-TV host.

Tinanong din si Marian kung ano ba ang konsepto niya ng pagiging beauty queen at para sa kanya ano ang tunay na kahalagahan ng kagandahan.

“Kapag kasi pinag-usapan ang beauty literal na dapat maganda ka pero para sa akin ang mas mahalaga pa rin ay kung paano ka makitungo sa kapwa mo.

“Para sa akin, ang tunay na meaning ng beauty ay kung paano ka nakaka-inspire sa ibang tao kasi  priceless yun, e. Yung nakakatulong ka,” paliwanag pa ni Marian na ipinagdiinang magiging fair siya bilang judge sa 70th edition ng Miss Universe.


Hindi naman daw masyadong nahirapan si Marian na magdesisyon kung tatanggapin ang offer ng Miss Universe organization dahil nga sa banta ng bagong variant ng COVID.

Aniya, “Minsan lang dumating sa buhay natin ang ganitong oportunidad, at bitbit pa natin ang bandera ng Pilipinas. 

“Mahirap kung sa mahirap pero sabi ko nga, balang araw maiintindihan din ng mga anak ko ang sakripisyong ito. Kumbaga, once in a lifetime experience ito for me kaya umoo ako,” katwiran ng aktres.

Pahabol pa ni Marian, isa pa raw sa inaasam-asam niya sa pagpunta sa Israel ngayong December ay, “Sana ma-meet at makita ko roon si Gal Gadot (isang Israeli actress at bagong gumaganap na Wonder Woman at ), sana mabigyan ako ng chance.”

Bago nakilala si Gal Gadot bilang Wonder Woman kinoronahan muna siya bilang Miss Israel at lumaban sa Miss Universe noong 2004.


https://bandera.inquirer.net/299266/marian-rivera-napili-nga-bang-judge-sa-miss-universe-2021

https://bandera.inquirer.net/286293/dingdong-kay-marian-napakaswerte-ko-na-siya-talaga-ang-naging-asawa-ko

Read more...