Binat, pasma, kulam, usog, totoo ba?

MADALAS natin naririnig ang binat, kulam, pasma, o kahit usog kapag merong karamdaman. Totoo ba o hindi? Mahirap isalin sa wikang Ingles ang mga kataga na ito kung kaya’t parang mahirap matukoy kung totoong mga sakit nga ito.

Ano ang pasma?
Ito raw ay kapag pinapawisan ka ng malamig, nanginginig ang mga kalamnan, naginginig at magalaw ang mga daliri, sinisipon, may lagnat, masakit ang ulo, nanghihina, walang ganang kumain. Dahil sa pinagsama-samang karamdaman, madalas hindi matukoy kung anong dahilan o uri ng sakit ito. Dahil sa malabo ang konsepto na ito, malabo rin na matunghayan kung ano ang dahilan nito at syempre pa hindi natin malalaman ang gamot para dito. Ang magandang balita sa ideya ng pasma ay ang hindi ito paglala ng sakit. Kung tutuusin ang pasma ay babala na kailangan alagaan ang ating kalusugan—katawan at kaisipan.

Ikaw ay nagkasakit at nag-umpisa ka nang gumaling. Hindi ka pa lubusang gumagaling ay bumalik na naman ang mga nararamdaman mo. ‘Yan daw ay binat – tawag sa sitwasyon na lumalala ang kalagayan mo dahil naabuso ang katawan habang di pa tuluyang gumagaling. Nararamdaman mo na nanghihina ka sa halip na ikaw ay patuloy na lumusog.

Magandang hudyat ito sa iyo na dapat makumpleto ang iyong pagpapagaling. Isang mahalagang bagay sa kalusugan ay ang pagpapahinga – sapat na pagtulog at pagpapahinga sa araw-araw lalo na kung pagod na antok o proseso ng paggaling o recuperation. Sa pagpa-pahinga, nanunumbalik ang lakas dahil sa ito ay nagagasta sa pag-ayos ng mga parte ng katawan na nasira ng sakit, maging ito ay impeksyon o kanser. Sa pagpapahinga ng katawan at kaisipan, nakakabalik ang koneksyon ng kaisipan sa kanyang sariling espiritwalidad, at pag-tuon sa Poong Maykapal.

Nausog o nakulam ka nab a?
Ang ugat ng konseptong ito ay ang paniniwala na may enerhiya na negatibo na kalaban ng kabutihan kung kaya’t ang idinudulot nito ay sakit sa katawan, gulo ng kaisipan at kasalanan ng kaluluwa.

Magandang paniwalaan ang ideya na ito kung ito ay makapaghahatid ng dagdag na paniniwala at pagtitiwala sa Diyos. May mga elemento sa mundong ibabaw na naghahasik ng lagim at nagdadala ng kapanyarihan na galing sa kadiliman.

Sa kanyang pagnanasang maging makapanyarihan, maaaring pumayag ang tao na magserbisyo sa kasamaan kaysa sa Diyos. Ito ay kalagayang espritwal, atake sa kaluluwa nguni’t nakaka-apekto ng lubusan sa kalusugang pisikal at mental.

Ang pinakamabisang panlaban dito ay ang maayos na esperitwalidad, ang paghingi ng kapatwaran sa Panginoong Diyos, pag-gawa ng mabuti, iwasan at labanan ang ano mang pagkakataon na gustong mangibabaw ang kasamaan.

Magagawa lamang ito kung buhay sa iyong isipan ang katotohanan na ito, ang kaalaman na ang kalaban ay nandyan lang sa tabi mo at nakahandang sunkitin ka sa lahat ng pagkakataon.

May nais ka bang isangguni kay Dr. Heal? I-text ang inyong pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606, at abangan ang kanyang sagot tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.

 

Read more...