PETRON ASINTA ANG IKAPITONG PANALO

Mga Laro Ngayon (Philsports Arena)
5:15 p.m. Air21 vs Talk ‘N Text
7:30 p.m. Alaska Milk vs Petron Blaze
Team Standings:  Petron Blaze (6-1); Meralco (4-3); Barako Bull (4-3); Rain or Shine (4-3); San Mig Coffee (4-3); Alaska Milk (3-3); Global Port (3-4); Talk ‘N Text (2-4); Barangay Ginebra (2-4); Air21 (1-5)

KAHIT na nakapasok na sa quarterfinals ay nais ng Petron Blaze na ipagpatuloy ang pagsingasing sa salpukan nila ng Alaska Milk sa 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-7:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.

Sa unang laro sa ganap na alas-5:15 ng hapon ay pinapaboran ang Talk ‘N Text kontra Air21.

Ang Petron Blaze ang pinakamainit na koponan sa kasalukuyan at mayroon silang six-game winning streak matapos na matalo sa kanilang unang laro.

Unti-unti’y nakakabisado na ng bagong head coach na si Gelacio Abanilla III ang kanyang mga kumbinasyon.

Ang Petron Blaze ay pinamumunuan ni Elijah Millsap na ayon sa mga eksperto ay siyang pinakamagaling sa sampung import sa torneo.

Makakatapat ni Millsap ang mas mabigat na si Wendell McKines Jr.

Bukod kay Millsap, si Abanilla ay sumasandig din kina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz, Marcio Lassiter at Gilas Pilipinas member June Mar Fajardo.

Si McKines ay sinusuportahan naman nina Cyrus Baguio, JVee Casio, Sonny Thoss, Dondon Hontiveros at Calvin Abueva na siyang nangunguna sa labanan para sa Rookie of the Year at Most Valuable Player awards.

Kulang pa rin sa consistency ang Tropang Texters na may 3-3 karta. Ito’y sa kabila ng pagbabalik ng apat na Gilas Pilipinas cagers na sina Jimmy Alapag, Jason Castro, Larry Fonacier at Ranidel de Ocampo.

Umaasa si Talk ‘N Text coach Norman Black na makakabawi ang kanyang import na si Tony Mitchell buhat sa masamang performance kontra Petron noong Miyerkules.

Ang Air21 ay nasa ibaba ng standings at malamang na tuluyang malaglag. Ayon sa ilang team insiders ay nakatuon na ang pansin ng pamunuan ng Express sa susunod na torneo.

Ito ang dahilan kung bakit ipinamigay nila sina Mike Cortez at James Ryan Sena sa Meralco kapalit nina Mark Borboran at rights kay Paul Asi Taulava na hindi makapaglalaro.

Ang Express ay sumasandig sa scoring import na si Zach Graham at leading local performer na si Niño Canaleta.

 

READ NEXT
Hypocrisy
Read more...