BAKIT nga ba malamig ang pagtanggap ng mga mambabatas na tuluyan nang ibasura ang pamamahagi ng pork barrel fund?
Hirit nang mga matitino: Ginamit nila sa tama ang pondo para sa kanilang mga nasasakupan. Maraming mga naipagamot at nabigyan ng scholarship. Sila anya ang takbuhan sa bawat pangangailangan ng bayan.
Pero ano nga ba ang trabaho ng mga mambabatas? Ang mga senador at kongresista ay inihahalal ng tao upang gumawa ng batas.
Kung gagamitin nilang dahilan na kung wala silang proyektong madadala sa kanilang mga botante, tiyak na hindi na sila ibobotong muli at hindi na makapanunungkulan ng ikalawa o ikatlong termino.
Kung ito ang inyong dahilan, ano nga ba talaga ang inyong mga motibo bakit ninyo gustong maging mambabatas? Hindi pa man kayo nailuluklok sa inyong posisyon, iniisip na ninyo ang susunod na halalan, kung paano kayong mananalong muli at makahihirit ng isa pang termino.
Iyan ay maliwanag na pawang mga pampersonal na mga interes lamang. Para sa inyo at para sa inyo lamang at hindi ang tunay na interes ng taumbayan. Kung matino naman kayo at gumagawa ng inyong mga trabaho, bakit hindi kayo mapapansin ng taumbayan upang muling pagkatiwalaan ng isa pang termino at tiyak na makakakuha ng kanilang boto sa mga darating pang eleksyon?
Ano nga ba ang kailangan ng mga kababayan natin at bakit sila lumalapit sa kanilang mga pulitiko? At bakit kailangan nilang humingi sa kanila? Paano kung hindi naman nila alam na nagbibigay pala si pulitiko no. 1 at hindi naman nagbibigay si pulitiko no. 2?
Isa pa, bakit may mga public service program ang mga himpilan ng radyo at telebisyon? Bakit sa amin tumatakbo ang ating mga kababayan, tulad ng Bantay OCW, sa halip na diretso na sa mga pulitiko o di kaya’y sa kanilang lokal na mga opisyal o iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan. Na kung tutuusin, hindi naman na kailangang dumaan pa sa media ang mga ito. At ang totoo, naiinis din kayo kapag lumalapit sa media ang tao. Bakit nga ba kailangan pa naming bantayan at magpadala ng mga referral letter sa mga taong ito?
Anu-ano nga ba ang mga pangunahing pangangailangan ng bayan? Pangkalusugan tulad ng pagpapagamot, pang-ospital at mga gamot mismo. Pang edukasyon, tulad ng libreng tuition at scholarship program. Pangkabuhayan, dagdag na mga kaalaman, libreng pagsasanay at kung posible, tulong puhunan upang makapag-simula ng kabuhayan.
Iyan lamang ang mga pangunahing kailangan ng Pilipinong naghihikahos. Para sa aming dalawa singkong opinyon: Kung ilalagay ang lahat ng pondo ng pork barrel sa isang centralized public service office, hindi na kailangan ang mga pulitiko, pati na ang mga public service program upang takbuhan ng taumbayan.
Isang tanggapan na alam ng lahat na doon lamang sila pupunta kung may kailangan sila. Isang opisina na lamang ang siyang mananagot sa lahat ng pondong ilalagak diyan at direktang gagamitin sa taumbayan, pati na sa mga provincial public service offices nito.
Panahon na upang itayo ang isang tanggapan ng taumbayan, mula sa taumbayan, at para sa taumbayan… at sila na rin ang siyang magbabantay ng kanilang pondo sa pamamagitan ng isang centralized public service office.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com