Matapos bawiin ni Senator Bong Go kahapon ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo, ang naging katanungan ngayon ay sino ang susuportahan ni Pangulong Duterte sa May 2022 presidential election.
Nagdiwang ang supporters ni former senator Ferdinand Marcos Jr. sa pag-withdraw ni Senator Go sa paniniwalang ito ay makakatulong sa kandidatura ng anak ng dating diktador. Sa mga loyalist, ang pag-atras ng senador ay hudyat at senyales ng muling pagbubuklod ng alyansang Marcos at ni Duterte. Bagamat minsan ng pinasaringan ng Pangulo si Marcos na isang weak leader at iba pang hindi magandang bagay, naniniwala ang mga ito na sa mga susunod na araw, iiindorso ni Duterte si Marcos sa pagkapangulo. Umaasa sila na ang kamay ni Marcos ang itataas ng Pangulo at ang tambalang Marcos at ng kanyang anak na si Mayor Sara ang dadalhin ng pro-Duterte.
Hindi lang ang mga loyalist ang nananalangin ng suporta at indorso ni Duterte. Si Mayor Isko na tinatawag ng iba bilang isang “mini me” ni Duterte ay direkta at agarang nagsabi na umaasa ito na siya ang tutulungan at susuportahan ng Pangulo. Ilang supporters din ng mayor ng Maynila ang nagpahayag na si Mayor Isko ang makikinabang sa pag-atras ni Senator Go sa pagkapangulo.
Sinubukan din naman ni Senator Pacquiao na kunin ang suporta ni Duterte ng magtungo ito sa Malacanang noong November 9 ngunit hindi ito naibigay kay People’s Champ maski alang-alang sa Mindanao.
Wala naman tayong narinig o nabasa sa kampo ni Senator Lacson tungkol sa paghingi ng suporta sa Pangulo. Maski hindi maganda ang ipinapakita sa mga presidential survey, wala naman sa pagkatao ng senador na gawin ito para manalo lang.
Pero hindi natin nakikita na makakatulong ang suporta at pag-indorso ni Duterte kay Marcos o kay Mayor Isko o kanino man. Patapos na ang termino ni Duterte. Isa na siyang “lame duck” president. Naglaho na rin ang sinasabing “Duterte magic” pati na ang kanyang political appeal sa masa. Ito ay makikita at pinatunayan sa mga iba’t ibang survey, gaya ng kanyang unang pinangarap na tumakbo bilang vice-president ng bansa sa 2022 ngunit ito ay pumangalawa lamang ng malayo kay Senator Tito Sotto sa survey. Klaro din ang sagot ng mga respondent sa isang survey kung saan sinabi ng nakararami na hindi na dapat itong tumakbo bilang vice-president ng bansa. Ito ay maliwanag na isang pagtutol sa pagpapatuloy pa ni Duterte na manilbihan pa sa gobyerno. Bumagsak din ang bilang ng kanyang administrasyon sa mga survey tungkol sa mga pangunahing gawain at tungkulin nito. Ang lahat ng ito ay indikasyon ng pagbagsak ng kumpyansa at popularidad ng Pangulo. Pinalala pa ito ng mga sunod-sunod na lumalabas na katiwalian sa kanyang administrasyon, partikular ang kasuka-sukang face mask face shield scandal sa gitna ng pandemya at ang pag-aabogado nito sa mga nasasangkot. Kasama na rin ang mali at palpak na pagresolba sa nagaganap na pandemya at ang mistulang pagsuko ng ating soberanya sa China sa usaping West Philippine Sea.
Bukod dito, kung si Marcos ang susuportahan at iindorso ng Pangulo, papaano nito babawiin ang mga masasamang pasaring na sinabi nito sa publiko na tumatak na sa isip ng taong-bayan. Papaano sasabihin ni Duterte sa botante na si Marcos ay magiging isang magaling na pangulo kung alam naman ng mga ito na si Marcos ang tinutukoy nito na isang weak leader. Ganito rin ang magiging sitwasyon kung sakaling si Mayor Isko ang babasbasan nito. Wala ng kredibilidad ang anumang sasabihin ng Pangulo para itulak ang kandidatura ni Marcos o ni Isko kaya mas mabuti na lang siguro na manahimik ito at maging “neutral” para hindi na rin makasira ng kandidatura ng iba.
Huwag na natin isali sa listahan si VP Leni Robredo dahil alam naman natin lahat na hinding-hindi susuportahan ng Pangulo ang kandidatura ng kanyang bise-presidente bagamat si VP ay matino, malinis at pinaka-qualified na mamuno sa ating bansa.