“SA ngayon, baka hindi ko pa po panahon,” ang naging pahayag ni Senador Bong Go ngayong Huwebes, Nob. 25, habang pinag-iisipan pa niya umano ang kaniyang desisyong tumakbo bilang pangulo sa 2022.
Ipinahayag din ni Go ang kahandaang gumawa ng “supreme sacrifice” para sa ikabubuti ng bansa.
Tatlong linggo matapos magpasyang tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa darating na halalan, sinabi ni Go na patuloy pa rin siyang humihingi ng gabay sa Panginoon.
“Kung para sa’yo ‘yan, para talaga sa’yo ‘yan,” aniya sa kanyang pahayag.
Inamin pa niya na nitong mga nakaraang araw ay tila hindi tugma ang kanyang naiisip at nadarama sa kanyang mismong ginagawa.
“Tao lang po ako na nasasaktan at napapagod din. O baka dahil sadyang napakarumi at ganun kainit lang talaga ang pulitika. Talagang nagreresist po ang aking katawan, puso at isipan. Pati po ang aking pamilya ay nahihirapan,” paliwanag nito.
Ipinagdiinan din niyang handa siyang magsakripisyo para hindi na makadagdag sa problema ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung matatandaan, matagal na naging assistant ni Duterte si Go bago ito mahalal bilang senador.
“Ako yung taong handang magsakripisyo para wala nang maipit, masaktan at mamroblema. Ayoko na pong mahirapan si Pangulo at yung mga supporters natin. Mahal ko po si Pangulong Duterte. Matanda na rin po siya at ayaw ko siyang bigyan pa ng dagdag na problema,” pagpapatuloy niya.
Isasaalang-alang na lang umano ni Go ang kanyang kapalaran sa Panginoon at sambayanang Pilipino. Binanggit pa niya, “Ako naman, kahit saan man ako ipadpad ng aking tadhana, patuloy po akong magseserbisyo.”
Unang nagpasa ng kanyang certificate of candicacy (COC) si Go bilang Bise Presidente upang maiwasang makatunggali ang anak ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, na nagkasa naman ng kanyang kandidatura bilang bise presidente via substitution noong Nobyembre 13.
Kalaunan, ipinasa na ng senador ang COC para sa pagkapangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dakilang Dugong Samahan (PDDS), isang allied party ng PDP-Laban. (Mula sa ulat ni Daphne Galvez, Inquirer.net)
Kaugnay na Ulat:
Duterte, pabigat sa kandidatura ni Mayor Sara