Jeffrey Tam kinumpirma ang ‘sipa incident’; inaming okay sila ni Billy

Jeffrey Tam kinumpirma ang 'sipa incident'; inaming okay sila ni Billy

KINUMPIRMA ni Jeffrey Tam ang “sipa incident” na nangyari habang nasa taping siya ng “Lunch Out Loud”.

Sa kanyang interview kay Ogie Diaz, sinabi niya na nangyari ang insidente noong July 2021.

“Hindi ko maalala kung anong exact date pero July nangyari ito. Actually nangbibiruan kami noon. Meron kaming [laro] doon na kapag may pinatugtog na music, kailangan mong tumambling.

“So naglabas na ngayon ng balikbayan box, pinatugtog, tumambling si Wacky (Kiray). Noong part ko na, sabi ko, ‘Sige patugtugin n’yo ulit, ako naman’.

“So ako naman, ang balak ko hindi ako ta-tumbling kundi tatalon ako, ‘yung pahiga. So nangyari na nga… pagbagsak ko, doon ako nagulat. Sabi ko, ‘Ang sakit!’ Nagdilim ‘yung paningin ko. ‘Yun pala ‘yung kahon tinanggal, sinipa,” pagkukwento ni Jeffrey Tam.

Aniya, ang una raw na bumagsak ay ang kanyang balakang. Agad naman daw siyang dinaluhan ni Billy Crawford.

“Ang unang-unang lumapit sa akin, si Billy. Siya ang unang-unang yumakap tapos pinatigil niya ‘yung taping. Sabi niya, ‘Teka, tigil tayo’. Sabi ko sa kanya, ‘bro, ang sakit. Ang sakit , bro’ paulit ulit lang ako pero hindi ko pa alam kung anong nangyari. Sabi niya, ‘sige, humiga ka lang’. Tapos ayun na, naglapitan na lahat.”

Dagdag pa niya, hindi naman raw siya na-confine at nakapag-taping pa para sa kanilang third episode matapos magpahinga ng ilang minuto.

“Actually, ayaw na nila akong pag-tapingin. Sabi ko, ‘hindi kaya ko pa to. Kaya ko pa naman.’ Yun nga lang, hindi na ako pwede tumakbo ng time na ‘yun kasi masakit.”

Kinabukasan matapos ang insidente ay nagpa-xray na si Jeffrey Tam.

“Ang ginawa ko kinabukasan, nagpa-xray na kami ni Pia. Nagkaroon ako ng crack sa spine, sa bandang lumbar. ‘Yung x-ray pinakita sa akin, parang marshmallow na napipi, e. So ang sabi sa akin ng doktor, kailangan ko mag-brace ng almost 2 months, parang ganon.”

Kuwento pa niya, pumapasok siya sa kanilang show na “Lunch Out Loud” na nakasuot ng braces sa loob ng kanyang damit.

“Para sa akin kasi noon, wala na akong naisip na magagalit ako dito, magagalit ako dyan, alam mo yon? Parang ang unang naisip ko na lang, ‘Thank you Lord’.

“Safe pa rin ako sa kabila ng nangyari na talagang pagbagsak ko, hindi ako nabaldado. Hindi na pumasok sa isip ko ‘yun na mag-aaway away pa kami dahil sa ganyan,” pagbabahagi ni Jeffrey Tam.

Chika pa niya na tila mag-dyowa na raw sila ng kaibigang si Billy matapos ang insidente.

“From that day na naaksidente ako hanggang sa time na gumaling at naging totally healed ako, si Billy is walang tigil talagang mag-sorry.

“Isipin mo paggising ko, may text na kaagad siya. ‘Bro, kumusta ka na? Anong pakiramdam mo? Sorry’. Ang haba ng text niya. Parang sabi niya, ‘Bro, talagang pasensya ka na talaga… kasalanan ko ito’. Lagi niyang inaamin na kasalanan niya.

“Sabi ko, ‘Bro wala tayong pag-uusapan tungkol dyan. Nakita ko ‘yung sinseridad mo na inaamin mong kasalanan mo. Wala tayong problema bro’ so hanggang ngayon okay kami.”

Nabanggit rin ni Jeffrey Tam ang isa pang komedyante na si Bayani Agbayani na dawit rin sa naturang isyu.

“Sa playback kasi noong ni-review namin, nakita ko na si Bayani, [bumulong] kay Billy tapos umalis pero hindi ko alam kung ano ang binulong.”

Mukhang hindi naman humingi ng tawad si Bayani kay Jeffrey Tam.

“Kung ako naman, kung feeling ko wala akong kasalanan, bakit ako magso-sorry sa tao, di ba?

“So kaya siguro hindi nag-sorry kasi pakiramdam niya, wala siyang kasalanan, wala siyang ginawa.”

Ibinahagi rin ni Jeffrey Tam na nais ni Billy na siya ang magbayad ng lahat nang nagastos niya sa pagpapagamot ngunit sinagot na raw ito ng production ng “Lunch Out Loud” dahil nangyari naman daw ang insidente habang nasa show sila.

Sa ngayon ay okay na si Jeffrey Tam ngunit nananatiling maingat sa kanyang galaw dahil mahirap na lalo na’t hindi na siya bumabata. Iwas na rin ang TV host-magician sa mga activities na nakakapagod para na rin sa kanyang kalusugan.

Related Chika:
Billy tinawag ni Cristy Fermin ng ‘Bully Crawford’; nanawagang itigil na ang ‘LOL’

Read more...