Target ni Tulfo by Mon Tulfo
SI Anita Carpon, manikurista ni Pangulong Gloria, ay naluklok sa Pag-IBIG Fund board of trustees, sabi ng columnist na si Jarius Bondoc.
Kung totoo ang sinasabi ni Bondoc, talagang makapal ang mukha nitong si GMA.
Hindi na pinapansin ni Gloria kung ano ang sinasabi ng taumbayan sa kanyang mga gawain.
Biro mo namang i-appoint niya ang kanyang manikurista sa Pag-IBIG Fund na hindi naman niya personal na pag-aari kundi pag-aari ng lahat ng mga empleyado ng gobyerno at pribadong kalakal.
Ang tinatanggap daw ng manikurista ni Gloria sa Pag-IBIG Fund ay P130,000 monthly per diem.
Sayang at paalis na si Gloria bilang Pangulo, kundi marami sigurong mag-aaplay sa kanya bilang manikurista, kasama na ang inyong lingkod (joke only).
Kung ang kanyang manikurista ay nabigyan niya ng puwesto sa gobyerno na may sahod na P130,000 kada buwan, malamang meron ding mga puwesto ngayon ang kanyang mga kasambahay at kusinero’t kusinera.
Maaaring ang kanyang labandera ay meron na ring puwesto sa gobyerno, at maging ang mga yaya ng kanyang mga apo, ang mga family drivers ng kanyang pamilya ay meron na rin.
* * *
Naalala ko si Erap noong siya’y Pangulo pa.
Makapal din ang kanyang mukha sa pagbibigay ng puwesto sa gobyerno ng mga taong malalapit sa kanya.
Kahit na walang alam sa trabaho kung saan inapoint niya ang kanyang kaibigan, basta lang mailuklok niya ito sa puwesto gagawin ni Erap.
May iniluklok si Erap na isang character actor sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).
Pero ang marami niyang pinaglagyan ng puwesto ay sa Bureau of Customs kung saan pati janitor ay siya mismo ang nagpirma.
* * *
Speaking of janitor sa Bureau of Customs, ang akala ba ninyo ay paglalampaso lang ng sahig at pagwawalis lang ang ginagawa nito?
Isang customs janitor-messenger ang nagkaroon ng malalaking bahay at magagarang sasakyan at nakabili ng mga lupa sa probinsiya.
Hindi lang yan. Kung makaasta itong si Mr. Janitor-Messenger ay parang siya ang customs commissioner.
Meron siyang bodyguards at naka-Pajero pa siya.
Paano niya nagawa ito samantalang maliit lamang ang suweldo ng janitor-messenger?
Siyempre, kasama siya sa pangungurakot sa customs.
Dahil alam niya ang pinaggagawa ng matataas na opisyal sa customs, binibigyan din siya ng mga “trabaho” kung saan siya kumikita ng malaking halaga.
* * *
Tama si Senate Minority Leader Aquilino “Nene” Pimentel: Bakit ang mga judges lang ang i-exempt sa gun ban kaugnay sa halalan sa Mayo?
Bakit hindi isama na rin ang mga prosecutors, abogado, journalists?
Umapela kasi ang Supreme Court sa Commission on Elections (Comelec) na payagan na makapagbitbit ng baril ang mga huwes dahil sa nanganganib ang kanilang buhay.
Punyeta! Bakit, hindi ba nanganganib ang buhay ng mga journalists?
Dapat tandaan ng Supreme Court na ang pinakamaraming biktima sa Maguindanao massacre ay mga journalists.
Kung papayagan ang mga hukom na magbitbit ng baril, na karamihan ay mga tumatanggap ng lagay sa litigants at di tumutupad sa usapan, dapat lang na payagan din ang mga journalists na may mga death threats na makapagdala ng baril.
Fair is fair.
* * *
Inabsuwelto ng Pasig Regional Trial Court ang isang lalaki na kinasuhan ng pagtutulak ng droga dahil di sumipot ang sa mga hearing ang humuli sa kanya na si PO1 Nelson Adamos.
Sus, matagal nang gawain ng mga pulis yan.
Di sila sisipot sa hearing sa mga kasong kanilang isinampa sa korte matapos silang malagyan.
Bandera, Philippine news, 042010