Bandera Editorial: Pangako, peks man!; Sila masasama, ako…

Pangako, peks man

TATLONG linggo na lang eleksyon na.  Marahil, binging-bingi ka na sa mga pangako ng magagaling na politiko.  Lahat naman sila magagaling, kahit hindi naman talaga.  Lahat naman sila ay marurunong, kahit inaapuhap pa kung saan nila ginamit ang kanilang karunungan: kung para lamang sa sarili nila at hindi para sa iyo (siyempre, simula noon hanggang ngayon, ganoon pa rin, nakalimutan ka na naman kaya naman nariyan ka pa rin, nakikinig pa rin sa mga pangako nila).
Kaya naman, pati ang Time magazine ay di pa rin alam kung sino ang tutupad sa mga pangako.  Sa kanilang pitak kay Noynoy Aquino, nagtanong ang lathalain kung si Noynoy na ba ang sasagip (ano?  Hindi naman lumulubog ang bansa dahil marami pa ang nagpupunta sa mga mall at dito pa rin ibinebenta ang mga produktong Kano, di tulad ng US na lumubog dahil sa financial meltdown) sa bansa.  Ang ibig sabihin, mismong ang Kano ay binging-bingi na rin sa mga pangako.
Peks man!
* * *
Sila masasama, ako…’
LAHAT ng kandidato ay masama, maliban sa nagsasalita sa entablado.  Ayon kay Zeuxis, pintor, “Criticism comes easier than craftsmanship.”  Ayon kay Regor, ng Davao City, texter ng Bandera Mindanao edition, kinukurot ang kanyang damdamin ng Romans 3:10, “There is no one righteous, no, not one.”
Ibig sabihin, lahat ng kandidato ay may bahid, maliban na lang ang nagsasalita sa entablado. “Sila, masasama.  Ako hindi,” gayun nga ba (siyempre, madaling sabihin yan dahil hindi mo naman sila kaharap kundi ang taumbayan, na ang iba sa kanila ay hinakot mo, ang iba’y naghihintay ng iyong ibibigay at ang iba’y inaabangan ang paglabas ng dala mong artista o singer)?
Bakit ganoon na nga ang panahon ngayon?  Kahit mga pari at Santo Papa ay di pa rin umaamin ng kanilang mga kasalanan sa laman at pagtatakip sa napakaraming pangyayari?
Kung ayaw umamin ang mga nagpapalaganap ng evangelio, mas lalong hindi aamin ang dalahurang politiko.
Peks man!  Sila nga ang masasama

Bandera, 041910

Read more...