Perpetual babangon laban sa St. Benilde

Mga Laro Ngayon
(The Arena)
4 p.m. Lyceum vs Arellano
6 p.m. St. Benilde vs Perpetual
Team Standings: Letran (9-2); San Beda (9-2); Perpetual (8-3); San Sebastian (6-5); Jose Rizal (5-6); St. Benilde (5-6); Emilio Aguinaldo (5-6); Lyceum (4-7); Arellano (3-8); Mapua (1-10)

SANDALAN ang morale boosting panalo sa Letran College ang hanap ng Lyceum of the Philippines University sa pagharap sa Arellano University habang babangon ang University of Perpetual Help sa di inaasahang pagkatalo sa huling laro sa pagpapatuloy ngayon ng 89th NCAA men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Unang laro sasalang ang Pirates at Chiefs sa ganap na alas-4 ng hapon at kung palarin pa ang tropa ni Lyceum coach Bonnie Tan ay tatatag pa ang paghahabol nila para sa puwesto sa Final Four.
May 4-7 baraha ang Lyceum pero galing sila sa 80-76 tagumpay sa Letran sa huling laro at ang momentum na ito ay pilit na dadalhin sa laro laban sa Arellano na nasa pangalawa sa huling puwesto sa 3-8 karta.
Ang tampok na laro dakong alas-6 ng gabi ay sa pagitan ng Altas at host College of St. Benilde at nais ng una na makabangon matapos ang 68-70 pagkatalo sa Emilio Aguinaldo College sa huling asignatura.
Dahil sa pangyayari, ang tropa ni Perpetual coach Aric del Rosario ay bumaba sa ikatlong puwesto sa 8-3 karta kasunod ng Letran at San Beda College na magkasalo sa unang puwesto sa 9-2 baraha.

Read more...