Janno hirap na hirap sa costume ni Mang Jose: Pero 90% ng action dito ako talaga, walang double

Janno Gibbs

SUMUSUMPA ang TV host-comedian na si Janno Gibbs na halos lahat ng fight scenes at delikadong stunts sa superhero movie na “Mang Jose” ay siya ang gumawa.

Sa edad na 52, feeling ni Janno ay kayang-kaya pa rin niyang gumawa ng mga pasabog na action scenes sa pelikula kaya naman hindi siya pumayag na dayain ang mga ipinagawa sa kanyang action scenes sa latest offering ng Viva Films.

Pero aminado naman siya na talagang mahirap na para sa kanya ang tumodo sa matitindi at maaksyong eksena ngunit gusto niyang magpaka-professional.

“Hindi mas mahirap yung stunts pero mas mahirap na ngayon dahil mas matanda na ako, bata pa ako sa Pedro Penduko, eh,” ani Janno sa online presscon ng bago niyang action-comedy film, ito ngang “Mang Jose” kung saan gaganap nga siyang superhero.

“But honestly, I think, physically, ha? I think I have one more action superhero movie in me. Kaya ko pa siguro nang isa pa.

“But I can assure you na mga 90% ng action dito eh, ako talaga. Yung double, mga 10% lang,” lahad pa niya.


Sagot naman ng komedyante kung ano ang pinaka-challenging na ipinagawa sa kanya ng kanilang direktor na si Rayn Brizuela, “Ako ang pinakamahirap for me was my costume as Mang Jose. 

“Kasi sa fight scenes, mabigat siya, mainit, plus yung goggles ko hindi ako masyadong makakita. So doble ang hirap pagdating sa fight scenes,” tugon ng aktor.

“After every fight scene na ulit-ulit na tine-take eh, para akong naligo talaga sa pawis. Yung goggles ko malabo ang tingin ko kasi shaded siya so mahirap makipag-fight scene,” chika pa ni Janno.

Dagdag pa niyang kuwento, “Meron kaming minor accident, isang stuntman na dapat mahuhulog sa building, babagsak siya sa mattress. Parang sumobra siya, nahulog siya sa ground. Okay naman siya, medyo nabugbog lang.”

Pwede nang mapanood ngayon ang “Mang Jose” (hango sa kanta ng Parokya ni Edgar) sa Vivamax (pay-per-view) at available na for regular streaming sa Dec. 24. Kasama rin dito sina Manilyn Reynes, Bing Loyzaga, Mikoy Morales at Jerald Napoles.

https://bandera.inquirer.net/297761/janno-ibinida-ang-superpowers-ni-mang-jose-di-magpapatalbog-kina-darna-at-captain-barbell

Read more...