Dennis Trillo at John Lloyd Cruz
ISA sa mga ultimate dream ng Kapuso Drama King na si Dennis Trillo bilang aktor ay ang maging kontrabida ni John Lloyd Cruz sa isang teleserye at pelikula.
Knows n’yo ba na hanggang ngayon ay hindi pa pala nagkakasama o nagkakatrabaho ang dalawang award-winning actor sa kahit anong proyekto.
Nagsimula ang acting career nina Dennis at John Lloyd sa ABS-CBN ngunit hindi sila nabigyan ng chance na mabigyan ng project together.
At ngayon ngang nasa GMA 7 na rin si Lloydie, malaki na ang posibilidad na magkasama sila sa isang Kapuso series o pelikula. Kaya nga sa isang panayam kay Dennis ay natanong siya tungkol kay John Lloyd.
“Excited ako. Natutuwa ako na nandito na siya. Excited ako na balang-araw, sana magkaroon kami ng project na magkasama. Pwede akong maging kontrabida niya. Welcome John Lloyd,” ang sagot ng fiancé ni Jennylyn Mercado.
Sabi pa ng aktor, mas gusto niyang mag-try ngayon ng mga challenging and offbeat roles tulad ng pagiging all-out kontrabida.
“Gusto kong maging full on villain. ‘Yung talagang heartless na kontrabida na talagang kaiinisan. Gusto kong kainisan naman ng mga tao. Tingnan ko kung magiging effective ako roon,” aniya sa isang episode ng “The Howie Severino Podcast.”
“Gusto ko lang din na binabago palagi ‘yung mga ginagawa ko para hindi sila nagsasawa. Kailangan mag-effort talaga at magpakita ng panibago palagi or interesting na kakapitan ka pa rin nila,” dagdag pa niya.
Samantala, todo naman ang pasasalamat ni Dennis sa lahat ng sumuporta sa katatapos lang na Kapuso primetime series na “Legal Wives” kung saan nakasama niya sina Andrea Torres, Bianca Umali at Alice Dixson.
Aniya, “Mission accomplished talaga. Sa totoo lang, nung simula pa lang, sa mga unang lock-in taping namin, nakapag-usap-usap kami.
“Inisip namin na, ‘Ito ba yung klase ng show na dapat nating gawing ngayong pandemic na heavy tapos napakalaking show?’ Marami tayong restrictions na hindi natin puwedeng gawin sa mga eksena.
“Marami kaming pag-aalinlangan kaya ang sarap ng pakiramdam na maganda yung pagtanggap ng manonood,” ani Dennis.
Ngayong tapos na ang “Legal Wives”, wala pang ina-announce ang GMA kung ano ang susunod niyang project kaya siguradong mabibigyan niya ng sapat na atensyon ang future wifey niyang si Jennylyn.
“Ngayon, nandito lang ako sa bahay. Madalas, nag-aalaga ako kay Jen. Yung work ko, siguro mga ilang weeks pa pero hindi ako kasali sa regular cast, so mabilis lang yun.
“Busy ako mag-edit ng mga video para sa YouTube channel, yun ang mga pinagkakaabalahan ko,” sabi pa ni Dennis.
https://bandera.inquirer.net/289568/rason-ni-john-lloyd-kaya-nagbalik-showbiz-gusto-ko-makita-ako-ng-anak-ko-na-nagtatrabaho