HETO na Sha, ang matagal nang pinag-uusapan sa loob at labas ng showbiz pati sa social media. Trending din ang sitsit na papasok sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ang nag-iisang Megastar na si Sharon Cuneta.
Pero bago ginawa ang formal launching ay nauna muna ang storycon kung ano ang karakter ng aktres. Sa pagdating niya kaninang umaga sa ABS-CBN ay ang lead actor/director/creative director na si Coco Martin ang sumalubong sa kanya pagbaba niya ng van at inabutan siya ng bouquet of pink and violet roses na paborito nito at talaga namang kitang-kita ang saya ni Sharon.
Hinintay naman ang aktres sa hallway nina Direk Laurenti Dyogi, TV Production head; Ms Cory Vidanes, ABS-CBN Chief Operating Officer; at Deo Endrinal, Dreamscape Entertainment head.
Mabilisan ang isinagawang virtual mediacon ni Sharon dahil marami pa siyang dapat gawin bago sumabak sa lock-in taping ng “FPJ’s Ang Probinsyano” na gagawin sa Norte.
Si Gretchen Fullido ng Star Patrol ang host sa buong event at nabanggit nito na ito ang first drama-action teleserye ng Megastar sa ABS-CBN.
Anyway, siyempre ang unang tanong namin ay ano ang nagpa-yes kay Sharon para maging parte ng longest running TV series ng Kapamilya network.
“Ang dali lang. When Tita Cory (Vidanes) sent me a text message (sabi niya), ‘we like to offer you Ang Probinsyano’ of course, yes agad.
“And then Coco and we (FPJAP Team) nagka-zoom kami na meeting and Coco pitch the story to me, ‘yung character ko for me it was a no brainer kasi sino ba ang ayaw maging parte ng Ang Probinsyano?
“Ang nerbyos ko lang parang ‘oh my God paano kayang gumawa ng teleserye na everyday?’ Sanay ako movies, di ba? Though I have a teleserye before pero iba siyempre na seryosong drama tapos Kapamilya.
“So ang laki-laki ng papasukin kong teleserye kasi it’s been number one for six years, so no brainer for me, oo agad, it was so easy for me na inspite of the lockdown, inspite of malalayo na naman ako sa pamilya ko.
“My family actually is very excited for me. They are very excited to see me in the show. So, ang buong household namin hindi lang ang pamilya ko pati mga kasambahay, so, sobrang thrilled ako to be part of this.
“Apart from Coco and everything I heard about the set from sila Osang (Rosanna Roces) and sa mga kasamahan pa sa cast na halos lahat kaibigan ko na nakatrabaho ko na noon o nakasama sa KAPP (Kapisanan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino at Telebisyon) lahat may kuneksyon ako parang nakakapagtaka na in a very nice surreal way,” mahabang kuwento ni Shawie.
At siyempre dahil “FPJ’s Ang Probinsyano” ito ay bilang pagtanaw na rin sa namayapang si Da King, Fernando Poe Jr.
“FPJ was my best-best friend in the business. I really wanted to be a part of this because Coco has maintained FPJ’s legacy and made it shine even brighter, so, I’m grateful to Coco for that and Tita Susan (Roces) also because this really belongs to FPJ and I’m glad that I’m finally going to be a part of it as my tribute to him,” nakangiting paliwanag ng Megastar.
Dagdag pa ni Gretchen na sa rami na rin ng nakasama at nag-guest sa aksyon-serye ni Cardo Dalisay ay si Sharon na lang talaga ang kulang bilang isa sa big star ng ng showbiz industry.
Natawang bigla ang aktres, “sabi ko nga, parang hindi pa kao kinakalabit, ah? Hayan na, kinalabit si Coco, ha, haha.”
Nang tanggapin daw ni Sharon ang offer ni tita Cory ay saka palang pinag-usapan ang mga detalye ng karakter niya.
“It’s also a dream come true!” sambit ng aktres na puwede naman daw sana niyang tanggihan at magpahinga na lang siya sa bahay dahil mahirap magtaping ngayon sa panahon ng may pandemya lalo’t malayo ang location
“Pero (sabay iling) ito talaga oh my God, this is Ang Probinsyano you cannot say no to it. So, it’s an honor for me to be part of the cast,” katwiran nito.
Bagama’t hindi ito ang unang lock-in shoot ni Sharon dahil naranasan na niya ito sa shooting ng Revirginized na ginawa niya sa Viva Films nitong 2021 ay natanong pa rin siya kung handa na ba siya ulit at paano nabuo ang konsepto ng karakter niya.
“’Yung konsepto (nabuo ni Coco), parang inistorbo siya ng isang gabi na hindi siya makatulog (4AM) ay ako ang naiisip niya na hindi niya alam kung bakit.
“Tapos 7a.m. tinext na niya raw si tita Cory sabi niya, ‘puwede po bang humingi ulit for Probinsyano? Puwede kayang mag-guest si Ms Sharon?’ Tapos sabi raw ni tita Cory, ‘ha? O sige I’ll message her, I’ll ask her.’
“So, the message got to me na ‘Shawie we like to offer’ sabi ko sure, can we hear the story? Nasa States pa tapos pag-uwi ko doon kami nag-zoom. Tapos si Coco dire=diretso siya ikinuwento niya na, ‘ito po ‘yung naisip kong role sa inyo hindi po ako makatulong ng isang buong gabi. Tuloy-tuloy ang kuwento niya ‘yun pala hindi pa buo talaga, he was just coming out of it, walang patid (magsalita). I was so impressed sabi ko sure, sure! Sabi ko nga kay Coco kahit wala pa ‘yung istorya tatanggapin ko naman, ha, haha.
“It’s so heartwarming at nakakataba ng puso to know na inalagaan ka, inalagaan ‘yung character mo, inalagaan ‘yung role mo walang butas talaga lahat me kuneksyon hindi lang basta pinasok, so I’m very grateful for that kaya sabi ko nga, ‘punta na tayo ng Ilocos, shoot na, ha, haha,” masayang kuwento ni Shawie.
Dagdag pa, “yes ready po ako sa lock-in. Na lock-in na kami dati sa Revirginized and I had a taste of it, so I’m ready for that.”
Samantala, tulad ng sinabi ni Sharon na malalim ang pinanggalingan ng karakter niya at hindi lang basta ito sinaksak kaya tinanong namin kung siya baa ng kasintahan ni Presidente Oscar Hidalgo played by Rowell Santiago.
Parehong natawa sina Gretchen at Sharon dahil tinumbok na namin kaagad ang karakter niya na almost 30 minutes nang tumatakbo ang mediacon ay hindi sinasabi ng huli ang karakter niya.
“Sabihin na lang nating nag balik-love team pero napakahaba ng flashback kailangan pong abangan ninyo at panoorin. Napakahaba at lalim ng backstory namin, so ‘yun lang ang kaya kong sabihin. Baka magalit si Coco,” tumatawang sagot ng aktres sabay lingon sa kaliwang gilid na tila nakabantay sa kanya si Cardo Dalisay.
Abangan ang paglabas ni Sharon sa “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood sa TV5 at A2Z ang mga bagong episode ng “FPJ’s Ang Probinsyano.” Para sa viewers sa labas ng Pilipinas, mapapanood ito sa The Filipino Channel sa cable at IPTV.
Related Chika:
Coco tensyonado sa pagpasok ni Julia sa ‘Ang Probinsyano’