Gianna Revilla ikakasal na; Bong, Lani labis ang tuwa para sa anak

Gianna Revilla ikakasal na; Bong, Lani labis ang tuwa para sa anak

IKAKASAL na ang panganay na babae nina Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. at Bacoor City Mayor Lani Mercado na si Viktoria Gianna Bautista sa fiancè nitong si Jed Patricio sa Nobyembre 11 sa Silang, Cavite.

Noong Disyembre 2020 ginanap ang marriage proposal ni Jed kay Gianna kaya naman pinost ng dalaga sa kanyang Instagram account ang larawang nakaluhod ang fiance niya at isinusuot ang engagement ring.

Ang caption ay, “BEST CHRISTMAS GIFT EVER. Words cannot express how happy I am! I’m thrilled for what God has prepared for us baby. I will love you forever, through thick and thin.”

Sumubok si Gianna noon na pasukin ang showbiz at na-launch naman siya sa GMA 7 bilang isa sa female star noong 2012 sa youth oriented show na “Teen Gen” mula sa direksyon ni Mark Reyes.

Samantala, pinost naman ng ninang ni Gianna na si Manay Lolit Solis sa kanyang IG account ang larawan ng mga ikakasal.

Ang caption ni Manay Lolit, “Talagang matanda na ako Salve. Kaloka na iyon inaanak ko sa binyag na si Gianna Revilla ay ikakasal na next week.

“Favorite daughter ni Bong Revilla si Gianna dahil ipinanganak ito ng tumakbo siya sa Cavite na forget ko na kung Vice governor o Governor. Gianna Victoria ang buong pangalan niya dahil nanalo si Bong sa unang pagtakbo niya kaya inilagay ang Victoria.

“Lumaking malambing at very sweet si Gianna kaya naging Papa’s girl. Hindi nga makapaniwala si Bong na ikakasal na ang anak, dahil parang bata pa rin ito para sa kanya.

“Talagang sobra ang bilis ng panahon, ang dati ay paslit na karga mo, ngayon magiging housewife na. Ang dati ay batang naglalaro lang sa garden ng compound ngayon magkakaruon na ng sariling pamilya. Kita mo ang lungkot at saya sa mga mata nila Lani Mercado at Bong Revilla sa nalalapit na kasal ni Gianna.

“Lungkot dahil hihiwalay na sa kanila ng tirahan, pero saya dahil alam nila na maligaya ito sa napili para maging sandalan niya sa buhay. Masaya sila na malaman nasa mabuting kamay ang anak na si Gianna.

“Sa aming inaanak, best wishes and congrats. We know you will be as strong and as good like your mother now na isa ka ng maybahay at future mother. Love you Gianna. Always be happy and stay safe. Mabuhay ang bagong kasal.”

***

Tiyak na matutuwa ang mga sumusubaybay ng teleseryeng La Vida Lena dahil may Season 3 ito na magsisimula ngayong Nobyembre sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Si Lena ay si Erich Gonzales at base sa tumatakbong kuwento ng serye ay malalantad na ang katotohanang ang tunay na ama ng dalaga ay ang ang mortal na kaaway niyang si Lukas (Raymond Bagatsing), kaya gagamitin nito ang pagiging unica hija niya para makapaghiganti sa buong pamilya Narciso.

Sukdulan na ang paniningil ni Lena dahil hahabulin niya hanggang ang pinakahuling kusing sa kayamanan ni Lukas. Ipipilit din ni Lena ang sarili niyang magkalugar sa pamilya nina Lukas at Vanessa (Agot Isidro), mula sa pamamahay ng mga ito hanggang sa kumpanya nila.

Babaliktad na rin ang mga mundo nila dahil magiging kakampi na rin ni Lena si Miguel (Kit Thompson), habang tuluyan namang kakalas si Jordan (Carlo Aquino) sa kanya para mamasukan kay Lukas.

Mapapaluhod na ba ni Lena ang mga kaaway niya?

Subaybayan ang paghihiganti ni Lena sa “La Vida Lena” gabi-gabi, 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z.

Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “La Vida Lena,” na nakasama sa listahan ng mga pinakapinapanood na TV programs sa multicultural Asian homes sa U.S. noong Setyembre.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

Related Chika:
Jolo tatakbong kongresista sa Cavite; Bong balik-taping para sa ‘Agimat ng Agila book 2’

Read more...