MAGBABALIK nga ba si Paul Asi Taulava sa Philippine Basketball Association (PBA) o tatapusin na lang niya ang kanyang career sa ASEAN Basketball League (ABL)?
Iyan ang katanungan matapos na ipamigay ng Meralco Bolts ang kanyang rights sa Air21 Express kamakailan. Sa totoo lang, marami ang nag-expect na sa Barangay Ginebra maglalaro si Taulava.
Kasi nga’y sister team naman ng Beermen ang Gin Kings. Umugong na nga ang balitang magkakaroon ng trade sa pagitan na Meralco at Ginebra kung saan ipamimigay ng Bolts ang rights kay Taulava sa Gin Kings kapalit ni Kerby Raymundo.
Pero hangggang ugong na lamang ang nangyari. Okay sana ang palitang iyon dahil sa kapwa nasa ‘twilight’ na ng kani-kanilang careers sina Taulava at Raymundo.
Natural na sa pagbabalik sa PBA ay nais ni Taulava na mapabilang sa isang koponang may malaking tsansang magkampeon. Isa ang Barangay Ginebra sa mga teams na nasa kategoryang ito.
After all, ang Gin Kings ay nakarating sa Final ng nakaraang Commissioner’s Cup kung saan sumegunda sila sa Alaska Milk.
Ibig sabihin, kaunting himas na lang, kaunting pagbabalasa ng manlalaro at puwede na sigurong all-the-way ang Gin Kings sa mga susunod na conferences.
So, ideal ang Barangay Ginebra na puntahan ni Taulava. Ang ipinagtataka lang ng marami ay kung bakit hindi pa itinuloy ang trade samantalang may lumutang na usaping ipagpapalit ng Barangay Ginebra si Raymundo sa Air21 kapalit ni James Sena.
Pero kalokohan lang daw ito. At ngayon nga’y sa Air21 mapupunta si Taulava! Okay ba kay Taulava iyon? Kung ikaw si Taulava, gugustuhin mo bang maglaro sa Express na tila walang pag-asang makaahon sa bottom half ng team standings?
Oo’t sinabi ni team official Lito Alvarez na pipilitin nilang magpalakas sa susunod na season. Pero sapat ba ang mga available materials upang makapagpalakas pa sila kaagad?
E, hindi ba’t nakapagpamigay na sila ng mga draft picks nila? Base sa nakaraang experiences o tendencies ng Air21, aba’y katakut-takot na players na ang kanilang naipamigay na sumikat sa ibang teams.
Kukulangin ang espasyo natin kung iisa-isahin natin lahat ng mga top rookies na ipinamigay ng Air21.Kung tutuusin, dapat ay matagal nang nagkampeon ang Air21 kung pinanatili nila sa kanilang kampo ang mga blue chips na ito!
At ngayon ay kukunin nila si Taulava kung kailan nasa twilight na itong kanyang career. Kaya ba ni Taulava na buhatin ang Express na mag-isa at ihatid sa tagumpay sa kanyang edad?
Napakahirap naman ng hihingin ng Express kay Taulava at hindi naman siya Superman para gawin iyon. Kung ikaw si Taulava, gugustuhin mo ba ang ganoong sitwasyon?
Kung may natitira pa si Taulava sa kanyang kontrata sa San Miguel Beermen, aba’y mas gugustihin niyang maglaro doon kaysa magbalik sa PBA at maging bahagi ng Air21.
Pero kung hindi n lalaro ang San Miguel sa ABL o totoo ang ugong na baka wala na ang torneong ito sa susunod na season, aba’y forced to good si Taulava na maglaro sa Air21.Iyon ay kung nais niyang magretire bilang isang PBA palayer.