Kung hindi magbabago ang tila malaking batong bumabagsak na “trending” ng COVID-19, halos tiyak nang mas masaya ang nalalapit na Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa mga eksperto, papalabas na tayo sa pandemya na halos dalawang taon tayong pinerwisyo. Ang dami ng mga bagong nahahawa ay bumulusok pababa at ang reproduction number ay nasa 0.52 sa buong bansa at mas mababa na sa 1.00 standard ng World Health Organization. Dito sa Metro Manila ay 0.45 RN na lang, samantalang 7 percent ang “positivity rate”.
Ang mga dahilan nito, una ay ang mataas na “vaccination levels” lalo na sa NCR, Cebu at ibang “urban areas”. Napatunayan ding epektibo ang lahat ng bakuna bagamat meron pa ring fully vaccinated na nahahawa. At masakit mang sabihin, karamihan sa mga namamatay ay mga “unvaccinated”.
Ikalawa, nagkaroon ng “natural immunity” ng lahat ng unang tinamaan ng COVID-19 sa harap ng humihina nang kamandag ng DELTA variant. Nakikitang pattern ngayon sa buong mundo na umaabot lang ng dalawang buwan ang “cycle” nito. Pinakamatindi at pinamalakas makahawa sa umpisa, pagkatapos ay bumababa sa huli o sa tinatawag na “start-peak-end” nito. Malabo ring may pumalit sa DELTA dahil ito na ang pinakamabagsik na variant, may pinakamataas na reproduction number (RN) at mas mataas na “infection rate” (IFR) mas pinaka-nakakahawa.
Ikatlo, bigyang kredito natin ang lahat ng mamamayan sa pagiging masyadong maingat sa pagsunod nila sa mga minimum health protocols.
Sa totoo, pinakahihintay ang bagong “oral COVID-19 drug capsule” na MOLNUPIRAVIR na darating ngayong Nobyembre. Matindi ang resulta nito sa clinical tests sa India; 81 percent o 972 sa 1,200 mild COVID cases ang nag-negatibo sa RT-PCR tests matapos ang limang araw na pag-inom nito.
Ayon sa JackPharma Inc., meron nang Compassionate Special Permit (CSP) ang MOLNUPIRAVIR mula sa Food and Drug Administration (FDA) noon pang Setyembre. Kapag naging “available”, ang market price nito ay P100-P130 bawat 200 mg capsule sa 40 capsule bottle.
Ang World Health Organization kasama ng United Nations ay nagsabing makokontrol na ang COVID-19 epidemic bago mag-June 2022. Ang kailangan lamang daw ay lahat ng bansa ay makamit ang 70 percent immunity. Dito sa atin, target ng gobyerno ay paabutin sa 50 percent ang mga “fully vaccinated” ngayong Disyembre, na ngayon ay 25 percent pa lamang. At sa Pebrero 2022, saka lamang makakamit ang 70 percent “herd immunity”. Sa Metro Manila , “85.22 percent” na tayong “fully vaccinated” o 8,331,665 katao. Samantala, 9,289,795 o 95.02 percent ng target population ng NCR ang merong “first dose”.
DahiI tumataas na ang kanilang proteksyon, hindi na mas takot ang mga “fully vaccinated” na mamamayan, dahil kahit sila’y ma-expose sa COVID-19 virus, hindi sila mamamatay. At kung sila’y maging “severe” o “kritikal” naman , nariyan sa mga ospital ang mga subok nang gamot na REMDESIVIR at TOCILIZUMAB. At kapag “mild”, mabibili ang MOLNUPIRAVIR.
Kung susuriin, hindi na maikakaila at mas maliwanag na ngayon ang katotohanan na bumababa na ang “aktwal na panganib” na ng pandemya. Ang malaking problema lamang ay ang patuloy na pananakot ng maraming sektor na tatawaging kong mga propeta ng kadiliman. Ni hindi man lamang binabanggit ang mga “ganansya” at pagbaba ng “infection risks” bagkus , palagian at walang sawa ang pagpuna sa “pandemic response” ng gobyerno. Kasama na riyan ang ilang mga taga-DOH o ilang doktor na mukha yatang mas gustong tumagal ang COVID-19 sa atin. Lalo pang nagpapalala sa sitwasyton ang “political noise” ng mga kandidato ngayong malapit na ang halalan.
Lahat sila, nagbubulag-bulagan pa rin kahit abot-kamay na natin ang mas NORMAL na PASKO at BAGONG TAON ngayong Disyembre. At sana,huwag nang madiskaril ng iilang tao.