TALAGANG kakaririn na ni LMP president at Narvacan Mayor Chavit Singson ang pag-i-invest sa entertainment business kabilang na ang paggawa ng mga proyekto sa bansa ng mga oppa — ang South Korea.
Nasa Korea na naman ngayon ang dating governor upang maglaan ng karagdagang investment para sa iba’t ibang negosyo roon kabilang na ang paghahanap ng partnership sa posibleng pagpi-finance ng mga projects tulad ng teleserye at pelikula.
Mukhang pati si Singson ay naengganyo nang mag-produce ng movies doon na posibleng pagbidahan ng mga sikat na Korean stars at ng mga gusto niyang isamang mga Filipino actors.
Siguradong na-inspire ang dating gobernador na mag-invest sa entertainment business sa Korea dahil sa kasikatang tinatamasa ngayon ng K-drama series na “Squid Game” na hit na hit na ngayon sa buong mundo.
Hindi maikakaila na sikat na sikat na ang nasabing bansa sa paggawa ng magagandang teleserye na sinusundan naman talaga ng karamihan hindi lamang sa Asia kundi pati na rin sa buong mundo.
At isa nga ito sa gustong suportahan ni Gov. Chavit kasama na rin ang iba pang negosyo tulad ng pagpapatayo ng hotels, condominium at malls.
Kamakailan lamang ay nag-withdraw na rin ang mayor sa plano nitong pagtakbo bilang vice governor upang maayos at magkakasundo na ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
Samantala, bukod sa pag-i-invest niya ng 100 million dollars sa South Korea ay abala naman ang kanyang LCS Group of Companies para sa iba’t ibang proyektong ginagawa nito ngayon sa bansa.
Napakaraming proyekto ng LCS Group of Companies ngayon kung saan ang nasabing alkalde ang chairman, kabilang na ang nga pagpapatayo ng common towers. Ang LCS group ang nangunguna sa pagpapatayo ng common towers upang magamit ito ng tatlong pangunahing telecommunication companies ng bansa para sa mas maraming mararating na lugar at mas maayos na signal ng mga telecoms.
Sa ngayon, may nakatayo nang mahigit 100 common LCS towers mula sa Region 1, 2 and 3 at meron na rin dito sa Metro Manila.
Layunin nitong makapagpatayo ng 6000 common towers sa loob ng anim na taon sa buong bansa. Ang guidelines sa pagpapatayo ng independent common towers sa bansa ay inilabas lamang ng Department of Information and Communications Technology noong June, 2020 para mas lalong gumanda ang serbisyo ng mga telcos sa bansa.