SSS benefits nakapangalan sa ibang misis

DEAR Aksyon Line:
Isa po ako sa masugid na nagbabasa ng inyong column na Aksyon line, lalo na ang humihing ng tulong sa SSS.
Ang asawa ko po na si Valentin O. Romeo ay miyembro ng SSS at ang kanyang number ay 03…0.

Nakuha ko na po ang burial claim. Pero naibalik ang aking death claim dahil sa FORM-E1 ng aking asawa ay ang nakalagay doon na asawa niya ay isang Felisa C. Romeo. Nagsama kami ng 34 taon at nagkaroon ng dalawang anak. Pero ni minsan ay walang nasabi ang aking asawa na mayroon siyang nakarelasyon na isang Felisa Romeo.

Ang sabi ng branch head ng SSS Cebu na si Mr. Mario V. Corro, patunayan ko raw na ako ang may karapatan sa claim ng aking asawa at magsumite ng mga dokumento. Sinunod ko naman po, pero hanggang sa ngayon at wala pa ring sagot mula sa kanya.

Tanong ko lang po kung sino ang mas may karapatan sa amin, nagsama kami ng napakaraming taon at hindi kami nagkahiwalay. Ako ang nag-alaga sa kanya hanggang sa siya ay namatay.

Sana po ay matulungan po ninyo ako sa problema kung ito na napakatagal na.
Lubos na
gumagalang,
Flaviana V. Romeo

REPLY: Ito po ay bilang tugon sa katanungan ni Gng. Flaviana V. Romeo ukol sa death claim na kanyang na-file sa SSS.
Ayon sa aming verification, ang kanyang application ay na-deny dahil mayroong ibang ni-report na asawa ang miyembrong si Valentin Romeo.

Ayon sa records ng SSS, isang nagngangalang Felisa ang ni-report na asawa ni Valentin. Sa mga ganitong pagkakataon, kakailanganing patunayan ng claimant na siya ang karapatdapat na makatanggap ng benepisyo mula sa SSS.

Ayon sa social security law, ang maaaring makatanggap ng death pension (para sa mga member na may hindi bababa sa 36 monthly contributions) ay ang legal na asawa ng member at dependent’s pension para sa mga menor de edad na anak hanggang sa sila ay dumating sa edad na 21.

Kung walang legal na asawa ang member na namatay at wala ring menor de edad na anak, ang babayaran ng lump sum benefit ng SSS ay ang nabubuhay na magulang ng member na namatay.

Kung wala ng mga magulang, ang designated beneficiary ng member ang babayaran ng benefit. Ang designated beneficiary ay ang sinumang itinala ng member sa kanyang SSS Form E1 or E4.

Sa kaso ni Gng. Romeo, kailangan munang mapatunayan na hindi legal ang kasal ng member kay Felisa.

At kung hindi nga legal na asawa ni Valentin si Felisa, kailangan ding mapatunayan ni Gng. Flaviana na legal ang kasal nila ni Valentin para ma-consider siya para sa death benefit.

Sana po ay nabigyan namin ng linaw ang mga katanungan ni Gng. Flaviana.
Maraming salamat sa inyong pagtitiwala.
Sumasainyo,

MAY ROSE DL FRANCISCO
Social Security
Officer IV

Read more...