“Hindi pwedeng hindi kayo magising sa mga magagandang eksenang mapapanood ninyo sa Galema!” Ito ang tiniyak sa mga manonood ng Master Storyteller at box-office director na si Wenn Deramas sa nalalapit nang pagpapalabas ng pinakabago niyang obrang pantelebisyon, ang Galema: Anak ni Zuma ni Andi Eigenmann.
Ayon kay direk Wenn, siya mismo ang pumili kay Andi para gumanap na Galema dahil, “Unang-una kailangan kasi makamandag ang ganda, at tisay, and of course, kailangan kayang gawin ang lahat ng ipagagawa ng production sa kanya.
Kasi si Andi, walang arte ‘yan, walang hindi kayang gawin ang babaeng ‘yan! At magaling naman talaga!” Ang Galema ay espesyal na handog ng ABS-CBN – ang tunay na tahanan ng hit Pinoy classics – sa afternoon TV viewers bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-60 taon ng telebisyon sa bansa at sa pagpapatuloy ng tradisyon ng pagbabahagi ng mga kwentong minahal noon sa komiks na nagpalawak ng imahinasyon at sumalamin sa kulturang Pinoy.
Halaw sa longest-running Pinoy komiks series na isinulat ni Jim Fernandez, ang Galema: Anak ni Zuma ay ekstra-ordinaryong kuwento ng pamilya at pag-ibig.
Sesentro ito sa buhay ng mabuting-loob na dalaga na si Galema (Andi) na minana ang sumpa ng kanyang ama na si Zuma – ang pagkakaroon ng kambal na ahas sa kanyang balikat.
Posible ba ang isang ordinaryong buhay para sa isang ekstra-ordinaryong babae tulad ni Galema? Ano ang kayang gawin ng isang anak na kapos sa pag-unawa at pagmamahal makamtan lamang ang respeto ng lipunan at pagtanggap ng kanyang tunay na mga magulang?
Kuwento ni Andi sa presscon ng Galema kahapon, ito na ang pinaka-challenging na role na gagampanan niya, hindi lang sa acting kundi pati sa pisikal dahil nga kailangan niyang makipag-bonding sa iba’t ibang uri ng ahas para lang masanay siya sa mga ahas na ilalagay sa kanyang balikat.
“Ipinapakita ni Galema rito na wala sa panlabas na anyo ang pagkatao ng isang tao. Hindi mo ‘yun makikita sa kung ano ang itsura niya, kung nakakatakot man, o anuman. Hindi ibig sabihin na iyon narin ‘yung nilalaman niya.
“Dapat bigyan natin ang lahat ng tao ng pagkakataon na makilala at hindi tayo mag-judge ng mga tao,” say pa ng aktres.
Makakasama ni Andi sa Galema: Anak ni Zuma sina Matteo Guidicelli, Meg Imperial, Sunshine Cruz, Sheryl Cruz, Carlos Morales, Divina Valencia, Lito Legaspi, at ipinakilala si Derick Hubalde (basketball player-model) bilang si Zuma. Magsisimula na ang Galema: Anak ni Zuma, ngayong Setyembre sa Kapamilya Gold ng ABS-CBN.
( Photo credit to Google )