Panahon na naman ng kampanya at masiglang mag-iikot ang mga pulitiko at mga supporters nila sa lugar na pasyalan ng mga botante. Maging ito’y sa loob o labas ng mga mall, sa panahon ng “commute”, sa komunidad at mga bahay-bahay natin. Lalapit silang lahat sa tao, makikipag-kamay, makikitagay, mamimigay ng giveaways, yayakap at kakarga sa mga bata at masisinsinang makikipag-usap. At dahil biyaya ang dala sa komunidad, siguradong dudumugin sila ng tao na umaasa ng pakinabang. At sa ganitong sitwasyon, makakatiyak ba tayong mahigpit silang susunod sa minimum health protocols?
Kaya naman, ngayon pa lang, dapat kumilos ang Interagency Task force (IATF), COMELEC at Department of Health na protektahan agad ang mga botante at mga pamilya nila sa mga “dadayong kandidato at supporters” sa kanilang mga lugar. Gawing mahigpit na “requirement” ang pagiging “bakunado” ng bawat kandidato pati lahat ng kanilang mga “campaigners”. At dahil nakapag-file na sila ng COCs, saklaw na sila ng kapangyarihan ng COMELEC, sa kampanya ngayong pre-election period at maging sa pormal na campaign period sa Febrero 2022. At dahil nag-aalok silang maglingkod sa bayan, akuin dapat nila ang gastos ng kanilang campaigners para sa regular na antigen tests at tiyaking bakunado lahat bago humarap sa publiko.
Nakakatakot po kasi ang kabuuang bilang ng mga kandidato ngayon. Ayon sa report, umaabot sa 48,123 kandidato ang nag-file ng COC’s at gustong manalo sa ibat ibang pwesto sa Mayo 2022.
97 ang gustong mag-presidente, 29 sa bise presidente, 176 sa senador, 733 sa congressman, at 270 sa party list (doble-bilang dahil sa tig-2 nominees).
Sa mga lalawigan, 281 ang gustong maging gobernador, 226 vice governor at 1,951 bilang bocal o “board member”. Pagdating sa mga siyudad at munispiyo, talagang buhos ang dami. 4,486 ang nag-aambisyong maging “mayor”, samantalang 3,968 naman ang nais mag-vice Mayor. Sa mga gustong maging konsehal, ang bilang ng Comelec ay 35,636 na kandidato lahat-lahat. Kaya nga, suma total, halos 50,000 silang lahat.
Ilagay mo na sa minimum na tig-isandaang tao ang kukunin nilang campaigners, aabot din ng halos 5 milyon silang mangangampanya. Sino ba ang mga iyan? Mga lider-lider, election watchers, taga-kabit ng bilboard o poster, tauhan sa community pantry, meeting organizers, at isama na riyan ang mga baranggay na kakampi ng mga pulitiko.
Pero, tig-isandaan lang ba ang supporter ng bawat kandidatong governor, vice governor , congressman, mayor, vice mayor, konsehal at mga board member. Sa mga national positions, mahinang mahina ang tig-10,000 campaigners. Kaya naman, nakakabahala ang sitwasyon. Nakakatiyak ba tayo na hindi magiging “super-spreader” ang mga pulitiko at mga campaigners nila habang nasa ating lugar, bahay o makisalamuha sa atin? Isa pang mahalagang aspeto ay paano kung makahawa ang kandidato at campaigners nila sa mga tao? Sasagutin ba nila ito ang mahahawa? Paano ba dapat ang mangyari?
Sa totoo lang, hindi tayo nangunguna, dahil talaga namang iba po ang sitwasyon “on the ground” ika nga. Ang mga baranggay captains o kagawad ay dapat “neutral” sa eleksyon na ito. Mahirap mangyari , lalot ang mga mayor sa kanilang lugar ay kandidato rin. Pero, sila lang talaga ang dapat nagbabantay sa “health protocols” at kung ang mga umiikot na mga kandidato, at campaigners nito ay pawang “bakunado” at nagnegatibo sa mga antigen tests.
Mas maganda na rin kung magkusang-loob ang lahat ng bawat “political party” maging “national”, “regional” o “local” at bakuhan ang hanay ng kanilang staff, campaigners, volunteers at iba pang empleado. Pero, magkusa kaya?
Pero, hindi tayo dapt tumigil sa paggising sa gobyerno. Inaasahan natin na hindi matutulog sa pansitan itong IATF, DOH, COMELEC, AT DILG (baranggays) at aaksyon dito sa lalong madaling panahon.
Huwag nilang hintayin at magulat sa sitwasyon na mas kalat muling COVID-19 sa Pebrero 2022, kung saan simula na ng “campaign period” na itinatakda ng batas.