HABANG nagkakagulo ang Senado at Kamara sa isyu ng pork barrel scam, mukhang nananahimik naman sa kanyang kuwarto sa Veterans Memorial Medical Center si dating Pangulong Arroyo.
Nakakulong siya dahil sa iregularidad umano sa paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Ang pondo ay pinayagan umano niyang magamit ng mga dating opisyal ng PCSO.
Hanggang ngayon di pa rin nakakapanumpa si Arroyo kay Belmonte.
Walang ipinapalabas na press statement ang kampo ni GMA tungkol sa korupsyon umano sa paggamit ng Priority Development Assistance Fund o na mas kilala sa mabahong pangalang pork barrel.
Hindi rin nagsasalita ang kanyang mga anak at maging si ex-FG Juan Miguel Arroyo ay hindi rin nakukuhanan ng mga kamera.
Sabagay, maigi nang manahimik sila kaysa naman sa umeksena gaya ni dating Chief Justice Renato Corona na na-boo nang dumating sa rally konrta pork.
Bigla namang sumikat ang mga nananahimik na kongresista ng Mababang Kapulungan.
Sa huling pagdinig ng Senado, napangalanan sina Representatives. Conrado Estrella III (ABONO), Erwin Chiongbian (Sarangani), Rodolfo Plaza (Agusan del Sur), Victor Ortega (La Union), Samuel Dangwa (Benguet), Edgar Valdez (APEC), Mark Douglas Cagas IV (Davao del Sur), Rizalina Lanete (Masbate), Arthur Pingoy Jr. (South Cotabato) at Rodolfo Valencia (Oriental Mindoro).
Si Estrella ay naging kongresista ng 13th Congress bilang representante ng Pangasinan (6th District) at nagbabalik ngayong 16th Congress. Nagkasabay naman siya at ang kanyang kapatid na si Abono Rep. Robert Raymund Estrella noong 14th Congress.
Ang hindi ko lang sure ay kung pareho silang nagbigay ng pondo sa mga sinasabing bogus na NGO ni Janet Lim Napoles.
Di na kongresista ngayon sina Chiongbian, Plaza, Dangwa, Valdez, Pingoy, Cagas, Lanete, at Valencia.
Ang sabi inendorso ng mga kongresista ang mga NGO ni Napoles na pinagbigyan ng kanilang pondo.
Sinayang umano ng mga mambabatas na nagbigay sa NGO ni Napoles, ang pagkakataon na matulungan ang mga mahihirap.
Yung totoong tulong ha, hindi yung tulong pag eleksyon lang.
Nakokonsensiya kaya sila sa ginawa nilang pag-kickback.
Kung dati, marami sa mga mambabatas na nabanggit sa pork barrel scam ang hindi nagsasalita, mukhang mas lalo silang napipi ngayon.
Ayaw magpa-interbyu at baka raw lalo silang mabaon sa kumunoy ng korupsyon.
Kaya dapat ay maging handa ang Medical Department ng Kamara dahil baka kailanganin nilang isugod sa ospital ang mga kongresista na malalason sa sarili nilang laway.
Para sa reaksyon o komento, i-text ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.