Talagang maiinis ka sa lumalalang pagkawasak ng ating “political party system” na ngayo’y nakabase sa “personalidad” ng kandidato, hindi sa kanyang plataporma o pangmahabang plano ng kanyang partido.
Ang mga kandidato sa pagka- Presidente ay hindi nasasala sa mga tradisyunal noong “convention” o kaya’y matinding “selection process” upang mapili ang the best of the best na kandidato para maging lider ng bansa. Ganoon din sa mga senador na babalangkas ng batas para sa ating pakinabang.
Ang nangyayari, kapag sikat ka sa survey, pwede kang gumawa ng sariling partido at doon iikot ang iyong kampanya. Kapag nanalo, anim na taong tatakbo ang yung pagka-pangulo pero pagbaba mo sa pwesto ay ibabasura naman ng bagong pangulo ang iyong nasimulang proyekto.
Dito sa mga kumakandidatong senador, makikita mo ang pagiging oportunista o kawalang paninindigan sa mga mahahalagang isyu ng bansa. Kung magpalit o kumampi ng partido, ay walang pakialam kung pabor ba siya o hindi sa ipinaglalaban ng grupo. Ang laging tawag, “guest candidate” na senador , na kitang kita naman na sumasakay lamang sa presidentiable at partido nito.
Iyun namang presidentiable ay may kasalanan din. Dahil sa nais niyang ipakita na malakas ang kanyang grupo, pati kandidato ng ibang partido ay kinuha rin niyang kakampi.
Tingnan niyo ang mga kandidatong senador sa partido nina Ping Lacson, Manny Pacquiao at Leni Robredo. Doon sa listahan ni Isko Moreno, bagamat hindi pa opisyal, nakita ko rin ang mga kaparehong gma pangalan, bagamat , dalawa pa lang ang opisyal na deklarado, umatras pa si Kabayan Noli de Castro.
Sa aking palagay, dapat matigil na ang ganitong “politics of convenience”. Masahol pa sa “balimbing” o “hunyango” ang mga kandidatong maraming partido. Akala marahil na paamihan ito ng kakampi at mas malaki ang pag-asa nilang manalo. Napaka-gulang nilang pulitiko na nakataya sa lahat ng mga naglalaban.
Hindi ako magtataka na tuluyan nang mabuwisit ang mga botante sa lumang pamumulitika ng mga kandidatong ito sa pagka-senador. Malakas na ang sentimyento ng taumbayan na ibasura na ang mga lumang pangalan sa Senado. Ito’y nasaksihan sa 2019 elections, kung saan nawala sila Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, JV Ejercito, Bam Aquino, Serge Osmena, pati mga kilalang pangalan sa Ocho Direcho.
Kung tutuusin, matitindi ang mga “name recall” ng mga natalong kandidato noong 2019. Matindi rin ang ginastos nila para umakyat sa “survey ” at iboto sa araw ng eleksyon. Pero, hindi nangyari dahil mga bagong pangalan ang nagtagumpay.
Sa totoo lang, ang pagboto para ibalik ang mga lumang pangalan sa Senado ay magdudulot lamang ng lalo pang pagkawasak ng naghihingalo nating ng “political party system”. Sa halip na i-correct nila ito at ibalik ang “two party system” na magbabalangkas ng kinabukasan ng bansa hindi lamang tuwing anim na taon kundi pang-matagalan, ang ginagawa nila ituloy ang mga pagkakamali. Ang dahilan, sila rin ang mga nakikinabang dito. Paikut-ikot lang sa pwesto at taun-taon ay nakikinabang sa kapangyarihan, “pork barrel”at iba pang mga ganansya.
Kaya naman, mag-isip-isip na tayong lahat lalo na sa mga kumakandidatong senador. Tulad noong 2019, natikman ng mga talunan ang bagong paninindigan ng mamamayan. Hindi na sila mabobola ng inyong paulit-ulit na political ads sa media. Hindi na sila mabobola ng malalawak niyong makinarya ng mga pulitiko sa mga bayan at lungsod. Alam na ng taumbayan ngayon, kung sinu-sinong kandidato ang nagsasayang lang ng oras, miyembro ng komite de silencio, o kaya’y matakaw sa pork barrel at lasing sa kapangyarihan.
Huwag magtaka kung bakit lumalakas ngayon ang mga bagong kandidato samantalang ang mga luma namann ay dumadausdos pababa at inaayawan ng taumbayan. Lalong lalo na itong mga palipat-lipat na kandidatong paru-paro ,na maraming beses nang nambola sa atin . At umaasa pang patuloy tayong maloloko.
Imulat natin ang amga mata sa mga pulitikong ito na nag-aasam na makabalik sa masarap nilang pwesto sa Lehislatura..