Vice Ganda
MULING pinasaringan ng Phenomenal Box-Office Star na si Vice Ganda ang mga opisyal ng gobyerno na walang ginawa kundi magnakaw sa kaban ng bayan.
Ipinagdiinan ng TV host-comedian na ang mga totoong naglilingkod sa bayan ay inuuna ang mga mamamayan at hindi ang pagpapasarap at pagpapayaman.
Muling nagbigay ng matapang na pahayag si Vice tungkol sa wala pa ring tigil na corruption sa pamahalaan kasabay ng pagbibigay ng tunay na kahulugan sa mga salitang “true public servant.”
Nangyari ito sa nakaraang episode ng “It’s Showtime” habang ini-interview ang isang contestant sa segment na “Reina ng Tahanan” na 25 years nang naglilingkod bilang isang health worker.
Ayon kay Yolanda Magat ng Caloocan, naging misyon na niya sa buhay ang tumulong sa mga nangangailangan kahit na hindi kalakihan ang kanyang kinikita.
Reaksyon naman ni Vice Ganda sa sinabi ni Yolanda at sa lahat ng mga frontliners, “You are the true public servant, because a true public servant is selfless.”
“Serbisyo publiko. Kinakalimutan niya ang sarili niya, dahil iyong pinagseserbisyuhan niya muna bago siya. Iyon ’yung totoong public servant.
“’Yung mga totoong public servants, hindi sila yumayaman at hindi sila nagpapayaman. ’Yung mga yumaman habang nakaupo, hindi sila totoong public servants,” pahayag pa ni Vice Ganda.
Patuloy pa niya, “Ginamit lang nila ang posiyon para mabigyan nila ng sariling pag-angat ang kanilang mga pamilya. At nagpagamit din tayo sa mga ’yan.”
Isa si Vice Ganda sa mga kilalang celebrities na talagang hayagan ang pagtuligsa sa mga sablay ng gobyerno at sa mga tiwaling opisyal lalo na yung mga walang pakundangan kung mangulimbat sa kaban ng yaman.
Kaya nga palagi siyang nananawagan sa madlang pipol na magparehistro na sa Comelec para makaboto sa darating na eleksyon at maipuwesto ang mga karapat-dapat na kandidato.
“Kaya sa mga pwede nang bumoto, magparehistro po kayo. Napakahalaga po niyan.
“Hindi pwedeng chika lang kayo nang chika sa Twitter. Kailangan nagpaparehistro kayo. Kailangan bumuboto kayo. Di pwedeng woke-woke-an ka lang sa Twitter, pero di ka nagpaparehistro. Very bad ’yun,” paalala pa niya.