Isko Moreno at Noli de Castro
UMATRAS na ang veteran broadcast journalist na si Noli de Castro sa pagtakbo bilang senador sa May, 2022 national elections.
Sa pamamagitan ng isang official statement, inihayag ng Kapamilya news anchor na matapos makapag-isip-isip mas pinipili niya ngayon ang magsilbi sa bayan sa pamamagitan ng paghahatid ng mga balita.
Pinasalamatan ni Kabayan si Manila Mayor Isko Moreno na tatakbong pangulo sa susunod na taon pati na ang Aksyon Demokratiko party sa pagtanggap sa kanya bilang kapartido.
Narito ang kabuuang pahayag ni Kabayan sa pagwi-withdraw sa kanyang kandidatura: “Nitong mga nakaraang araw, taimtim kong pinag-isipan ang desisyong pagbalik bilang isang mambabatas. At kamakailan, naghanda ako sa posibilidad na pagtakbo sa pagka-senador sa darating na halalan.
“Ang nag-udyok sa akin ay ang hangaring muling bigyan ng boses sa Senado ang ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga ordinaryong Pilipino, na ang tanging hangarin ay mabuhay ng maayos, payapa, at may dignidad sa gitna ng pandemya.
“I-sinumite ko ang kandidatura sa COMELEC noong Biyernes. Ngunit, nagkaroon ng pagbabago ang aking plano.
“Nais kong iparating sa lahat ng aking mga kaibigan at supporters na naghahanda na sanang tumulong sa akin, na nagpasya akong hindi na ituloy ang aking kandidatura.
“Gayunpaman, HINDI PO NAGBAGO ANG AKING LAYUNIN AT HANGAD PARA SA BAYAN.
“Kasabay ng pagdarasal sa Poong Nazareno, napag-isip-isip kong mas makatutulong ako sa pagbibigay ng boses sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pamamahayag.
“Binibigyang diin ko po, hindi nagbabago at magbabago ang ating layunin at hangad para sa bayan.
“Patuloy tayong magiging boses ng ating mga kababayan, lalo na sa panahong katulad nito na ang boses na iyon ay nalulunod sa ingay ng pulitika at paggamit ng kapangyarihan para sa sariling interes ng iilan.
“Nais ko pong magpasalamat kay Mayor Isko Moreno at sa mga bumubuo ng Aksyon Demokratiko sa ibinigay na tiwala at tulong sa akin sa unang araw pa lamang na maging miyembro ako ng Partido. Maraming salamat po.
“At sa lahat ng nagtitiwala sa aking mga kabayan, maraming maraming salamat! Hawak ko sa aking puso ang ipinapakita ninyong pagmamahal, suporta, at tiwala.
“Ituloy po natin ang pagtutulungan para sa mas malakas na boses ng bayan. Salamat po mga kabayan!”
Kaugnay na ulat:
True ba, Kabayan may problema sa kalusugan kaya biglang atras sa Eleksyon 2022?
Kabayan goodbye na sa mga programa sa ABS-CBN, tatakbong senador sa 2022