Paolo Contis, LJ Reyes, Aki at Summer
HINDI man diretsahang sinabi ng Kapuso actress na si LJ Reyes, pero mukhang hindi pa talaga niya kayang patawarin ang dating partner na si Paolo Contis.
Totoong naka-move on na ang celebrity mom sa controversial break-up nila ng aktor pero baka matagalan pa bago niya mapatawad si Paolo sa mga nagawa nitong kasalanan sa kanya.
Sa panayam ng GMA 7 kay LJ, bakas sa itsura nito ang kaligayahan at kapanatagan ng kalooban kasama ang dalawa niyang anak sa Amerika, patunay lamang na tama ang desisyon niya na umalis muna ng Pilipinas para makapagsimula muli.
Natanong si LJ sa nasabing interview kung handa na ba niyang patawarin si Paolo, aniya, “Ang forgiveness is a work in progress. Hindi madaling ibigay ang forgiveness, di ba?
“Lahat naman tayo we get hurt, we get angry, but you work on it every day to forgive people, to forgive yourself, or whoever. You pray about it,” tugon ng aktres.
Kung matatandaan, sa official statement na inilabas ng Kapuso actor sa Instagram hinggil sa hiwalayan nila ni LJ, humingi ito ng kapatawaran sa lahat ng nagawa niyang kasalanan.
Inamin ni Paolo na naging “marupok at gago” siya kaya nasira ang pagsasama nila ng aktres. Totoo rin daw na third party ang isa sa mga dahilan ng paghihiwalay nila ni LJ pero pinabulaanan niya na si Yen Santos ang dapat sisihin sa pagkasira ng kanilang pamilya.
Nag-sorry din ang aktor sa anak nilang si Summer, pati na kay Aki (anak ni LJ kay Paulo Avelino) na itinuring na rin niyang parang tunay na anak.
Sabi pa ng aktres tungkol sa pagpapatawad, “For me, hindi kasi siya madaling bagay na ibigay. So, surrender lang talaga kay God, and I’m working on it.”
Samantala, naikuwento rin ni LJ na okay na okay sila ngayon ng mga anak sa New York at unti-unti na ring nakakapag-adjust sa buhay nila roon kasama ang kanyang pamilya.
In fairness nga raw, walang sinumang nagtanong sa kanya roon ng tungkol sa paghihiwalay nila ni Paolo, “You know, surprisingly, walang nagtanong sa akin about or mention anything about my personal life.
“Ang sinasabi lang nila, ‘We’re so happy na makita ka namin. We just wanna let you know na we support you.’ And no mention of anything else,” aniya pa sa nasabing panayam.
Wala namang nabanggit ang award-winning actress tungkol sa pagbabalik niya sa Pilipinas at kung tuluyan na ba niyang iiwan ang showbiz.
Aniya, isa sa mga pinagkakaabalahan niya ngayon sa US ay ang pagtulong sa restaurant na pag-aari ng kanyang ina at kapatid na matatagpuan sa Brooklyn.
Ibinalita rin ni LJ na in-enroll na niya roon sa “face-to-face class” ang panganay na si Aki habang kasama naman niya si Summer sa kanyang mga lakad.
Ayon pa kay LJ, isa sa mga pinanghawakan niya noong kasagsagan ng kontrobersya sa kanila ni Paolo at sa matinding sakit na idinulot nito sa kanya at sa mga anak, ay ang pananampalataya niya sa Diyos.
“I’ve been always vocal if it weren’t because of God, yung ibinibigay na strength sa akin ni God, it wouldn’t have been possible..Hindi ko rin inakala na nandito na kami,” ani LJ.
Anim na taon ding nagsama sina Paolo at LJ ngunit nauwi rin sa wala ang lahat.