Bagong national pageant inilunsad sa Cebu

Hiyas ng Turismo Pilipinas Foundation Inc. national director Eva Patalinjug

Hiyas ng Turismo Pilipinas Foundation Inc. national director Eva Patalinjug /FACEBOOK PHOTO

MAKARAAN ang magkasunod na pagkapanalo ng mga Cebuanang sina Miss Universe Philippines Bianca Luigi Gomez at Miss World Philippines Tracy Maureen Perez, inilunsad naman sa Cebu ang pinakabagong national pageant sa bansa, ang Hiyas ng Pilipinas.

“I am very happy that Cebuana beauty queens bagged the [Miss Universe Philippines] and [Miss World Philippines] crowns. I’m very excited because it coincides with the launching of our new national pageant,” ang sabi sa Inquirer ni Eva Patalinjug, national director ng Hiyas ng Turismo Pilipinas Foundation Inc., sa isang online interview.

“It just goes to show that it’s about time Cebu stages its first ever national pageant. We Cebuanos, just like any other beauty pageant fan all over the Philippines, are really passionate,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Patalinjug, na hinirang bilang 2014 Mutya ng Pilipinas-Asia Pacific International at 2018 Binibining Pilipinas Grand International, nagsisilbing hamon ang ang pamamayagpag ng mga Cebuana sapagkat “the pressure and the standards also rise.”

Inilunsad niya, kasama ang iba pang board members ng Hiyas ng Turismo Pilipinas Foundation, ang unang edisyon ng Hiyas ng Pilipinas pageant sa Golden Peak Hotel sa Cebu noong Okt. 6.
Doon, ibinahaging pipiliin ng pageant ang mga kinatawan ng Pilipinas sa Miss Tourism World, Miss Elite World, at Miss Tourism Queen International.

Hiyas ng Pilipinas-Elite World Shannon Tampon /FACEBOOK PHOTO

Nagwagi na bilang Miss Tourism World si Binibining Pilipinas Michelle Reyes at Miss Tourism Queen International si Miss Philippines Earth runner-up Justine Gabionza, at umaasa ang Hiyas ng Turismo Pilipinas Foundation na makahahanap ng mga Pilipinang makapapantay sa mga nakamit ng dalawang reyna.

Ipinakilala na ang beteranang si Shannon Tampon bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Elite World pageant na idaraos sa Ehipto sa Disyembre.

Ayon kay Patalinug, balak nilang idaos ang Hiyas ng Pilipinas sa unang kwarter ng 2022, “hopefully in Feburary.”

Kung papayagan, susuyurin nila ang buong bansa upang makapili ng mga kalahok—10 mula sa Luzon, 10 mula sa Visayas, 10 mula sa Mindanao, at lima mula sa ibayong-dagat at ibang mga sector.

Bukas ang Hiyas ng Pilipinas sa mga Pilipina, o mga dilag sa ibayong-dagat na may lahing Pilipino. Dapat ay mula 18 hanggang 27 taong gulang ang aplikante, na hindi bababa sa 5’3” ang taas. Kailangang nakapagtapos na ng high school ang lalahok.

Mga single na babae lang na hindi pa naikakasal o nagsisilang ang tatanggapin. Bawal ding mag-apply sa ibang malaking national pageant ang kandidata habang gumugulong ang patimpalak.

Maaring magpunta sa www.hiyasngpilipinas.com ang mga interesado upang magparehistro.

Read more...