Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo
NAPA-THROWBACK nang bonggang-bongga ang Kapuso TV host-actor na si Ryan Agoncillo nang maging isa siya sa choices sa nakaraang segment ng “Eat Bulaga” na “Bawal Judgmental.”
Inalala ng asawa ni Judy Ann Santos ang kanyang kabataan noong kasagsagan ng pagiging commercial model niya at kung paano ito naging daan sa pagpasok niya sa showbiz.
“It starts with auditions — 1994 ako unang nagkaroon ng commercial pero matagal na proseso. Katorse anyos ako nu’n, 14 years old 1994, pero parang mga 12 years old palang nag-audition na ako. May braces kasi ako nu’n kaya hindi ako natatanggap,” simulang kuwento ni Ryan.
“Siguro mga dalawang taon hindi ako natatanggap, hanggang nu’ng 14 ako sa isang clothing brand, yung Christian Values Education teacher ko sabi niya, ‘Ryan this must be something you’re interested in,’ parang part nu’ng tinuturo niya sakin sa Values Education, yung exposure. ‘Yun pinag-apply niya ko doon,” dagdag pa niyang pahayag.
Isang throwback photo naman ang ipinakita ng TV host-actor na kuha sa isang commercial na ginawa niya noong 1999 at kasunod nga nito, napasok na siya sa isang morning show ng GMA sa edad na 19.
Dito, nabanggit din niya na halos magkasabay sila ng news anchor na si Ivan Mayrina (ang celebrity player nu’ng araw na yun sa Bawal Judgmental) na naging Kapuso habang ang kapwa TV host namang si Paolo Bediones ang unang nag-alok sa kanya kung gusto niyang subukan ang pagiging TV host.
“Ang negosyo ko nu’n, simulang-simula pa lang ng digital editing. Kapag nagpe-present kami sa kliyente parang hindi sila naniniwala. So, naisip ko, kapag nakita nila ako sa morning show, baka maniwala na alam ko ‘yung ginagawa ko, di ba?” pahayag ni Ryan.
Dugtong pa niya, “Kaso wala hindi ako natanggap sa audition sa pagiging host at news anchor. Walang callback mga dalawang buwan. Bago lumabas ‘yung commercial ng Easter Sunday, Monday tinawagan nila ako kung pwede mag-guest tapos doon na nagsimula.”
Tanong naman sa kanya ng isa pang “Eat Bulaga” host na si Maine Mendoza kung bakit napasok sa mundo ng advertisement, “Nu’ng panahon na ‘yun G na G. Hindi biro ‘yung panahon na ‘yun. ‘Yun yung may krisis sa Asya.
“Although my parents were business people, may kinikita naman sila, my brother had work. Kumbaga ako noon, naisip ko bawas sa iisipin kasi.
“Malaki ‘yung gap namin ng kuya ko, fourteen lang ako nu’n. So yung kikitain ko sa commercial bawas na sa iisipin. ‘Yun yung motivation,” sey pa ni Ryan.
Aminado rin ang “EB” Dabarkads na hindi rin naging madali para sa kanya ang makapasok sa mundo ng TV commercial.
“Maraming proseso, pipila ka talaga. Kung may apat kang mapag-o-auditionan, ma-call back ka ng isa, swerte ka na. Pero malalaman mo ‘yun, mga isang linggo pa ulit,” aniya.
“’Yung mga panahon na ‘yun mahalaga na sa akin ang pagko-commercial kasi talagang nakakabawas siya sa iisipin.
“Medyo maingat na ako sa pagpili ng mga project kasi noon kapag model ka, sana hindi nagki-criss cross yung mga proyekto. Halimbawa sa softdrinks, sa ibang inumin hindi ka na pwede,” pagbabalik-tanaw pa ng TV host.