Nora Aunor sasabak na rin sa politika; naghain ng CONA para sa NORAA party-list

PORMAL nang naghain ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) si Nora Aunor bilang representative ng NORAA Party-list o National Organization for Responsive Advocacies for the Arts para sa darating na national elections sa 2022.

“Sa mahigit limampung taon ko po sa entertainment industry ay marami pong umuudyok sa akin na pasukin po ang public service. Ito na po siguro ang tamang pagkakataon para po pagbigyan ang mga taong nagsusulong at naniniwala sa akin na ako po ay makakatulong lalo na po sa mga nangangailangan.

“Panahon na po para maibahagi ko rin ang mga adbokasiya at mga plataporma na aking binuo para po sa kapakanan ng nakakarami,” saad ng aktres base sa official statement nito.

Ilan sa mga plataporma ng movie icon ay ang pagbibigay pansin sa mga manggagawa sa media, senior citizens, OFWs, kabataan, LGBTQIA+ community, magsasaka, pati na rin sa sektor ng kalusugan at kabuhayan.

Ang lahat ng mga plataporma niya ay base rin sa mga naging karanasan niya at obserbasyon niya kaya gagawin niya ang lahat ng kaniyang makakaya para maiangat ang iba’t ibang sektor na nais niyang tulungan.

“Ang lahat po ng ito ay maisasakatuparan ko po kung ako po ang inyong susuportahan. Wala po akong ibang hangad kundi ang makatulong at maipadama po sa inyo ang aking mabuting hangarin.

“At kung sakali po na ako ay manalo umasa po kayo na pipilitin ko na maging mabuting lider para po sa lahat,” dagdag pa niya.

Si Nora Aunor o Nora Cabaltera Villamayor sa totoong buhay ay isa sa mga hinahangaan sa mundo ng showbiz na binansagan bilang Philippine cinema’s Superstar at itinuturing rin bilang isa sa mga National Artists ng bansa.

Read more...