“MABUTI naman at nakatagpo na siya ng taong makakasama niya sa buong buhay niya,” ang sabi ng kaibigan at talent manager ng aktor na mainit ngayong pinag-uusapan dahil sa kanyang lovelife.
Simula kasi nang mag-showbiz ang aktor ay dalawang babae lang ang na-link sa kanya na hindi pa kumpirmado kung nakarelasyon nga niya o dahil nakasama lang sa project?
Sabi pa ng talent manager, “Mabait naman ‘yan (aktor), wala namang masabi ang mga kaibigan niya sa kanya, pero siyempre during his younger years, maraming kalokohan, alam mo na, boys will be boys. Lahat sinubukan except drugs.
“Mahilig makitulog sa mga kaibigang gays, alam ko barkada naman silang lahat. Kaya nu’ng nabalitang may gay benefactor siya, hindi naman kami naniniwala kasi malapit talaga siya sa gays pero hindi siya gay, huh!
“Tungkol sa pagkakaroon niya ng girlfriend, parang hindi niya priority that time kasi mas gusto niyang mag-work nang mag-work para makaipon. Matipid ‘yan, eh. Kaya nga ngayon may negosyo na siya which is okay.
“Kaya si _____ (manager ng aktor), natutuwa sa kanya kasi inuna niya ang work kaysa lovelife. Ako rin kung ako naging manager niya ‘yun din ang gusto ko,” kuwento sa amin.
Sa kasalukuyan ay masaya ang aktor dahil finally matutupad na niya ang pangarap niyang magkaroon ng sariling pamilya.
“Oo nga, happy kaming mga kaibigan niya para sa kanya, sana soon!” sambit ng kausap naming talent manager.
* * *
Magsisimula nang magpasiklaban ang 10 trainees na nakapasok sa “The Gaming House,” ang kauna-unahang gaming survival reality show sa bansa para sa aspiring content creators na mapapanood sa iWantTFC at Kapamilya Online Live ng ABS-CBN Entertainment tuwing Sabado ng gabi.
Lima sa kanila ang pinili ng judges – ang summa cum laude graduate na si Claudine Tayco (Odin), Swiss videographer na si Sven Schmid (Nevz), flight attendant na si Denise Nicole Marfil (Den Den), ang young dad na si Jose Emmanuel Ingan (Inganation), at Michael Moens (Venoshii) na mula sa Belgium.
Nakapasok din sa kumpetisyon matapos pangalanang people’s choice ang 24-year-old breadwinner na si Amira Joyce Llacer (Amira), streamer at pro-players na sina Sarah Nicole Nesperos (Seyrah) at Ron Michael Pabalan (Pabbie), YouTuber na si Dannica Suazo (Boss D), at cosplayer na si Cheska Adrielle Galvez (Chekay).
Para sa unang araw nila sa loob ng “Gaming House,” binigyan ang trainees ng sarili nilang streaming set-up at kanya-kanyang vlogging kits. Agad silang sasabak sa iba’t ibang hamon na susubok sa kanilang galing pagdating sa streaming at paggawa ng content.
Sa episode ngayong Sabado (Okt. 9), iimbitahan naman ng show ang isang kilalang content creator at cosplayer para gabayan ang trainees sa challenge nila.
Sa susunod na tatlong buwan, isang trainee ang malalagas kada linggo base sa mga boto ng viewers at sa mga score na ibibigay ng tatlong judges. Ang matitirang matibay ang hihiranging susunod na gaming icon ng bansa na mananalo ng management contract sa Tier One Entertainment.
Subaybayan ang “The Gaming House” ng Tier One Entertainment, ang nangungunang gaming at esports entertainment company sa Southeast Asia, tuwing Sabado sa Kapamilya Online Live, 11:15 p.m. sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page.