Vico: OK lang tawagin akong kuripot, at least hindi magnanakaw

Vico Sotto

NAG-PROMISE si Pasig City Mayor Vico Sotto sa madlang pipol na hinding-hindi siya gagastos ng malaking halaga para sa kanyang pangangampanya.

Muling tatakbong mayor sa Pasig City ang anak nina Bossing Vic Sotto at Coney Reyes sa darating na May, 2022 elections at nangako nga siya sa kanyang constituents na tamang budget lamang ang ilalaan niya para sa kampanya.

Aniya, mas matatanggap niya na tawagin siyang “kuripot” ng publiko sa muli niyang pagtakbong alkalde kesa mabansagang corrupt na opisyal ng gobyerno.

“Hindi pa rin tayo gagastos ng malaki. Tandaan, ang gagastos ng malaki sa kampanya, ay malaki rin ang babawiin,” ang matapang at makahulugang tweet ng binata.

Diin pa niya, “Okay lang tawagin akong kuripot, at least hindi magnanakaw.” 

Hindi naman binanggit ni Vico kung magkano ang ilalaan niyang budget para sa gagawin niyang pangangampanya sa Pasig. 

Samantala, nanawagan din ang batang mayor na sana’y iwasan ng mga kakandidato sa darating na eleksyon ang magbatuhan ng dumi o magpersonalan sa panahon ng kampanya.

“Ngayong meron nang nagdeklara na tatakbo rin bilang mayor, konting paalala/pakiusap lang sa mga supporter,” ang paalala ni Vico sa mga botante kasunod ng pagre-retweet ng isang video clip kung saan mapapanood ang interview ni Pasig City Vice Mayor Iyo Bernardo.

Pahayag pa ni Vico, “Iwasan natin ang ‘mudslinging.’ Kung tungkol sa trabaho o track record, sige pag-usapan natin. 

“Dapat naman talagang suriin nang mabuti ang mga kandidato pero wag yung personalan o bastusan na,” aniya pa.

“Kapag may kaibigan tayong nakita niyo sa kabila, ‘wag niyong pagalitan o takutin… Di ba kasama sa laban natin ang pag giba ng ganun klaseng politika?” dugtong pa niya.

Pinaalalahanan din niya ang lahat ng botante na mas maging maingat sa paggamit ng social media dahil sa inaasahang pagpapakalat ng fake news. 

Nangako rin si Vico na magtatrabaho pa rin siya ng “full-time” bilang alkalde ng Pasig kahit sumapit na ang campaign period next year.

Read more...