Vice Ganda
SA pagtatapos ng unang season ng “Everybody, Sing” ngayong darating na weekend sa Kapamilya Channel at A2Z, 100 Taal survivors ang hahamunin ni Vice Ganda na umawit kapalit ng P2 milyon.
Para sa season finale ng community singing game show ng ABS-CBN, ipalalabas ang huling dalawang episodes ng “100 Songbayanan Special” na mga episode na kinunan bago magsimula ang pandemya sa bansa.
Tampok dito ang mga Pilipinong nakaligtas sa pagsabog ng bulkang Taal noong 2020.
Mula pa Hunyo 5, tinututukan na ng mga Filipino ang “Everybody, Sing,” kung saan lahat ng kalahok ay nagtutulungan at walang umuuwi ng luhaan.
Patok sa manonood ang mga kakatuwang hirit at makahulugang pahayag ni Vice tuwing pinakikinggan niya ang kwento ng iba-ibang songbayanan.
Kamakailan lang, tinanghal na national winners sina Vice at “Everybody, Sing” para sa Best Entertainment Program Host at Best Music/Dance Program sa Asian Academy Creative Awards 2021. Nominado rin ang programa sa Light Entertainment category sa 2021 Venice TV Award.
Samantala, sa episode noong Linggo (Okt. 3) kasama ang 100 palengke vendors, nagbigay-pugay ang Unkabogable Phenomenal Box-Office Star sa dalawang inang patuloy na nagsisikap at nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak.
“Ipinagbubunyi po namin ang nanay na tulad po ninyo na tiniis ang lahat at ngayon naman ay talaga namang umaani na ng tagumpay.
“Ang laki na ng achievement mo Nanay sa buhay bilang isang ina, bilang isang babae, at tagapagtaguyod ng pamilya,” ani Vice sa seafood vendor na si Nonet, na nakapagpatapos na ng doktor.
Pinayuhan din ni Vice ang isa pang vendor na si Chuchay na manatiling malapit sa Diyos habang pinapalaki ang dalawang anak bilang isang solo parent.
“Marami tayo dito sa Pilipinas at sa buong mundo na hirap na hirap na pero dadaanin natin sa dasal bago tayo matulog sa gabi.
“May mga bagay talagang tinitiis na lang natin at ang tanging kinakapitan natin ay ang Panginoon. Na nawa’y kinabukasan paggising natin magiging mas matatag tayo. Kung hindi man magiging magaan ang lahat, magiging mas matatag tayo,” sabi ng TV host-comedian.
Nakapag-uwi ng P400,000 sa jackpot round ang palengke vendors matapos mahulaan ng tama ang apat ng kanta. Mahigitan kaya sila ng 100 Taal survivors?
Abangan iyan sa Sabado at Linggo, 7 p.m. sa season finale ng “Everybody, Sing” sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, iWantTFC at TFC.