KINILIG naman si Rica Peralejo sa mga regalong natanggap niya mula kay Vice President Leni Robredo.
Sa kaniyang Instagram account, ibinahagi nito ang isang video kung saan makikitang masayang masaya siya habang tinotignan ang mga ipinadala sa kaniya at ibinahagi rin nito kung gaano siya ka-grateful kay VP Leni.
“When I first asked her to be on the vlog with me binigyan ko siya ng peg na ezchange gifts kami. Pero noong bandang huli nahiya na ako kasi napaka #busypresidente nga niya so I said wag na pero nagpadala pa din sya ng gifts,” saad ni Rica.
Nagpasalamat rin ito sa hand-made letter na ibinigay sa kaniya ng ginang na siyang pinaka nagpakilig sa kaniya. Masaya rin siya dahil talagang binuksan nito ang mga regalong inihanda niya at naappreciate nito ang mga simpleng surpresa niya.
“Wala naman kasi akong maibibigay sa kanya kung hindi maliliit na bagay na makapagpapasaya sa kanya ng kaunti. I also was touched na binasa nya sulat ng anak ko,” dagdag pa nito.
Marahil ang sulat ay tungkol sa quarantine levels. Base kasi sa video na ibinahagi ni Rica sa IG ay humihingi ng pasensya si VP Leni kay Philip dahil wala siyang kapangyarihang baguhin ito at malungkot siya dahil hindi makapaglaro ang bata sa labas kasama ang kaniyang mga kaibigan.
Sa video ay nagpasalamat rin si Rica kay VP Leni hindi lang sa ibinigay nitong Bicol delicacies bagkus pati na rin sa lahat ng nagawa nito para sa bansa.
***
Bumwelta naman ang aktres na si Agot Isidro sa naging pasaring ni House Deputy Speaker at Vice President aspirant Rep. Lito Atienza natapos nitong kuwestiyonin kung ano ba ang nagawa ni VP Leni para sa bayan at bakit pinipilit nitong magpresidente.
Bagamat wala pang tahasang kumpirmasyon mula sa kampo ni VP Leni kung tatakbo nga ito sa pagkapresidente ay tila marami na ang tumitingin sa kasalukuyang VP bilang matinding kalaban sa darating na eleksyon.
Tila hindi naman nagustuhan ng mga supporters ni VP Leni ang naging pasaring ni Rep. Lito Atienza tulad na nga ni Agot.
Sey niya, hindi naman trying hard si VP Leni dahil mismong taumbayan ang pumipilit at nangangampaya para tumakbo ito sa pagkapresidente.
“Mawalang-galang na po, Mr. Atienza, kami po ang namimilit sa kaniya na tumakbo. May namiliy po ba sa inyo?” tweet ng aktres.
Sa ngayon ay wala pang pahayag si Rep. Atienza ukol sa pahayag ng aktres.