Alvin Patrimonio, Arci Munoz at Richard Yap
KAKANDIDATO uli sa darating na May, 2022 elections ang Kapuso actor na si Richard Yap.
Ito ang ikalawang pagkakataon na tatakbo ang aktor para sa pagkakongresista sa 1st District ng Cebu City.
Nag-file na ng certificate of candidacy (COC) si Richard sa Commission on Elections-Cebu City, kahapon, Oct. 3. Ang asawa niyang si Melody ang naging kinatawan ng aktor sa pagsusumite ng COC.
Kung matatandaan, tumakbo rin si Richard noong 2019 bilang representative ng North District sa sa ilalim ng partidong Barug-PDP-Laban.
Hindi pinalad ang aktor at natalo siya ng reelectionist na si Cong. Raul del Mar. Nang pumanaw si Del Mar noong November, 2020 si House Speaker Lord Allan Velasco ang naging “caretaker” ng 1st District.
Nabanggit naman ng anak ni Del Mar na si Rachel na plano niyang tumakbo sa posisyong naiwan ng ama ngunit habang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagsusumite ng COC si Rachel.
Kamakailan lang ay sumabak na sa lock-in taping si Richard para sa bagong romcom series ng GMA, ang “I Left My Heart in Sorsogon” kung saan makakatambal niya si Heart Evangelista.
Samantala, wala na ring urungan ang pagtakbo ng Kapamilya actress na si Arci Muñoz sa Eleksyon 2022 na kakandidatong konsehal sa Cainta, Rizal.
Base sa ulat ng ABS-CBN, bahagi na ng partido ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) ang aktres na nagsisilbi rin ngayon bilang Philippine Air Force reservist na may ranggong sergeant.
Bukod kay Arci, tatakbo rin ang PBA legend na si Alvin Patrimonio bilang mayor ng Cainta sa ilalim din ng Lakas-CMD party.
“We consider these dedicated public servants as assets of Lakas-CMD. Their decision to join the party is not just a proof of their confidence in us but also of the party’s clean and efficient record of public service,” pahayag ni House Majority Leader Martin Romualdez.
Bukod kina Arci at Alvin, ang ilan pang celebrities na tatakbo sa ilalim ng Lakas-CMD ay sina Claudine Barretto, Nash Aguas, Ejay Falcon, Javi Benitez, Angelu de Leon at Bobby Andrews.