Chito Roño napiling magdirek ng ‘Darna’ ni Jane, tuloy na ang taping sa Nobyembre

Jane de Leon at Chito Rono

KUMPIRMADO nang si Chito Roño ang magdidirek ng “Darna” ni Jane de Leon na kamakailan lang ay nagsukat na rin ng kanyang costume para sa pinakaaabangang teleserye ng ABS-CBN.

Isa rin sa dahilan kung bakit natagalan ang pagsisimula ng “Darna” series ni Jane ay dahil nga walang makuhang bagong direktor na magpapatuloy sa proyekto. 

Bukod pa rito ang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 na ilang beses at ang pagpapatigil ng IATF sa shooting at taping ng mga programa sa TV at pelikula, ayon sa aming source.

Matatandaang tumanggi sina Direk Erik Matti at Jerrold Tarog sa “Darna” series dahil may iba na silang commitment.

Narito ang post ng JRB Creative Production sa Facebook tungkol sa “Darna”, “CHITO S. ROÑO NAKATAKDANG IDIREK ANG DARNA: THE TV SERIES.

“Pangungunahan ng highly-acclaimed box office director na si Chito S. Roño ang pinakahihintay na television adaptation ng Pinay superhero sa ‘Darna: The TV Series’.

“Magsisimula na ang taping ng programa sa Nobyembre kasama ang ‘master director’ na si Chito na nasa likod ng mga matagumpay na programa ng ABS-CBN na Imortal, Lastikman, at Spirits at nagbabalik-telebisyon ngayon pagkatapos ng halos isang dekada para sa isa sa pinakamalaking proyekto ng Kapamilya network sa 2022.

“Bitbit niya ang natatanging galing sa visual effects production at pagkukuwentong may kurot sa puso na aabangan sa makabagong adaptation ng karakter na binuo ni Mars Ravelo na ang ika-115 kaarawan ay gugunitain sa darating na Oktubre 9.”

At binanggit ang lahat ng hit projects ni direk Chito sa telebisyon at pelikula na nakatanggap ng maraming awards.

“Ang 2013 serye na Maria Mercedes ang huling TV project ni Direk Chito na kinikilala rin bilang ‘master of scare’ na gumawa ng blockbuster horror flicks na Feng Shui at The Ghost Bride.

“Nagsilbi rin siyang director ng award-winning drama movies na Dekada ‘70 at Bata Bata Paano Ka Ginawa? Siya rin ang gumawa ng family drama na Signal Rock, na naging entry ng Pilipinas sa Best Foreign Language Film category sa 91st Academy Awards.

“Pagbibidahan ng Kapamilya actress na si Jane de Leon ang Darna na magbibigay-buhay sa paboritong Pinay komiks superhero na may natatanging kapangyarihan at kabutihang loob.

“Ang JRB Creative Production ng ABS-CBN ang nakatakdang magprodyus ng Darna: The TV Series.”

Ang hepe ng JRB Creative Productions ay si Ms. Julie Anne Benitez.

Read more...