I survived COVID-19! Grabe ‘yung experience na ‘to! – Hopia Legaspi

Trina ‘Hopia’ Legaspi

MASAYANG ibinalita ng Kapamilya actress na si Trina “Hopia” Legaspi sa madlang pipol na sa wakas ay naka-recover na rin siya sa killer virus na COVID-19.

Todo ang pasasalamat niya sa lahat ng mga kaanak, kaibigan at tagasuporta na nagpaabot ng pagmamahal at nagdasal para sa kanyang paggaling pati na rin sa pamilya niya na tinamaan din ng nakamamatay na virus.

Ayon kay Hopia, naniniwala siya na napakalaki ng naitulong ng sabay-sabay na pagdarasal para malagpasan ang kinaharap nilang pagsubok nitong mga nakaraang linggo.

Aniya, nang dahil sa COVID-19 ay mas napalapit pa sila sa Diyos at mas tumibay pa ang kanilang pananampalataya.

Ibinahagi ng dating “Goin’ Bulilit” star sa kanyang Instagram account ang paggaling niya at ng pamilya matapos sumailalim sa ilang linggong quarantine sa kanilang bahay.

“I survived COVID-19!! Grabe ‘yung experience na ito, mas napalapit kaming family kay Lord!! 

“Maraming salamat po sa mga nagdasal ng aming kagalingan, binabasa ko po isa-isa ‘yung mga DM niyo sa akin, ‘di lang po ako maka-reply sa lahat pero salamat po!” ang mensahe ng aktres.

Aniya pa, “Maraming maraming salamat din po sa mga kapamilya at kaibigan na nag-abot ng tulong pinansyal, pagkain, oxygen tanks at supplies dito sa bahay.

“Nagpapagaling na po kaming family! Thank God!! I will share the details soon po,” dagdag pang pahayag ng dating child star.

Pinaalalahanan din niya ang lahat ng hindi pa bakunado na magpaturok na ng COVID-19 vaccine kapag nabigyan na ng pagkakataon dahil ito pa rin ang pinakamabisang panlaban sa nakamamatay na sakit.

“Sa ngayon po, magdoble ingat po tayong lahat, lalo na ngayon kumakalat pa rin ang Delta variant. 

“Malaking bagay po ang bakuna, lahat po kami bakunado at napalaking tulong nito na hindi umabot sa severe case ang buong family ko,” payo pa ni Hopia.

Kung matatandaan, nito lamang nakaraang buwan inamin ng aktres na hindi rin sila pinatawad ng killer virus at buong pamilya niya ang nahawa nito. 

Bukod sa kanya, anim pa niyang kapamilya ang tinamaan ng COVID-19 na may moderate symptoms. Mabilis naman silang nag-isolate para makontrol agad ang pagkalat ng virus. 

Dahil dito, humiling ng dasal ang aktres sa kanyang socmed followers para sa kanilang recovery, “Praying for complete healing from COVID-19 for my family and financial provision.” 

Ipinagdasal din nila ang pagkakaroon ng “brand new lungs from the Lord” para sa kanilang “complete healing.”

Read more...