Raffy Tulfo nagpaalam na sa Idol in Action at Frontline Pilipinas

RAFFY TULFO

TULUYAN nang nagpaalam si Raffy Tulfo sa “Idol in Action” nitong Byernes, Oktubre 1, 2021.

“Saan man po kami makarating, kayo po palagi ay nasa isipan namin. Huwag ho kayong mag-alala, lalo pong lalakas ang ‘Raffy Tulfo in Action’, that I promise you. Trust me,” saad ng broadcast journalist sa kaniyang program na nagpaalam na sa ere.

Nagpasalamat naman ito sa lahat ng executives ng TV5 lalo na kay Manny Pangilinan sa pagtitiwalang ibinigay sa kaniya.

Malungkot man para sa mga kasamahan ng broadcaster dahil sa pagkawala ng kanilang programa pero nakatanggap naman sila ng sorpresa.

Ilan sa kanila ay nabigyan ng limited edition na relo at mamahaling bag bilang pagkilala sa sipag at tapat nilang paglilingkod.

Isang taon ring nagtagal ang programa na nagsimula noong Hunyo 8, 2020 at napapanood Lunes hanggang Biyernes.

Isang Korean drama series, cartoon show, ay morning news program na “Frontline sa Umaga” ninan Paolo Bediones at Marga Vargas ang papalit sa timeslot ng “Idol in Action”.

Bukod sa “Idol in Action”, nagpaalam na rin ang broadcaster sa “Frontline Pilipinas”.

“May halong lungkot po at saya ang aking nararamdaman ngayon sa aking gagawing pagpapaalam po sa inyo dito sa ‘Frontline Pilipinas’,” saad nito.

Ang pagkandidato ni Raffy Tulfo bilang senador sa darating na 2022 elections ang itinuturong dahilan ng pagbabawas nito ng mga programa.

Naghahain na ito ng certificate of candidacy ngayong Oktubre 2, kinabukasan matapos ang pamamaalam nito sa mga nasabing programa.

Nangunguna rin sa listahan ng senatorial preferences si Raffy Tulfo ayon sa survey na ginawa ng Pulse Asia Research Inc. noong buwan ng Setyembre.

Read more...