KABILANG si Pasig City Mayor Vico Sotto sa napakahabang talaan ng mga tatanggap ng parangal bilang 2021 “Philippine Faces of Success” mula sa lupong kumikilala sa “successful Pinoys all over the country and around the world.”
Kasama ni Sotto, first-termer mayor ng Pasig City na muling tatakbo sa 2022, ang isang laksang mga personalidad para sa parangal, kung saan mayroong mga artista, beauty queens, at negosyante.
Pararangalan din ang mga beteranang aktres na sina Gina Pareño at Elizabeth Oropesa, magkapatid na sina Sanya Lopez at Jak Roberto, mag-asawang sina Tonton Gutierrez at Glydel Mercado, aktres na si Teresa Loyzaga, mga aktor na sina Wendell Ramos at William Thio, kompositor na si Vehneee Saturno, direktor na si Elwood Perez, at host na si Boy Abunda mula sa showbiz.
Maliban naman kay Sotto, kikilalanin din ang mga kapwa niyang alkaldeng sina Vergel Meneses (Bulakan, Bulacan) at Arthur Robes (San Jose del Monte, Bulacan), Quezon City Councilor Hero Bautista, at Dr. Alvin Sahagun, negosyante at Maharlika party-list advocate.
Kikilalanin din ang bagong hirang na Mrs. Tourism Universe Hemilyn Escudero-Tamayo at 2019 Mrs. Universe Philippines Charo Laude ng lupong naglalabas din ng “Model Mom Philippines,” “Outstanding Men and Women of the Year Philippines,” “Philippine Empowered Men and Women of the Year,” at “Philippines Outstanding Brand of the Year.”
May kinilala ring “faces of success” mula sa mga taga-media, sektor ng medisina, at ibang larangan.
“Success might seem unreachable. But the stories of these personalities prove that anyone, even ordinary Filipinos, can become successful if they make smart and wise decisions in life, and work hard,” anang organayser.
Umaasa ang organayser na maidaraos ang paggawad ng parangal sa 2021 Philippine Faces of Success sa Teatrino sa Promenade sa Greenhills, San Juan. Wala pang nilalabas na petsa ng palatuntunan sa panahon ng pagsusulat ng artikulong ito.