Sey ni Ely, Eraserheads reunion posibleng mangyari: Pag tumakbo si Leni…

Ely Buendia

MAY tatlong iba’t ibang sagot ang OPM icon na si Ely Buendia sa tanong ng ilang netizens kung kailan muling magkakaroon ng reunion ang Eraserheads.

Nakipagchikahan nang slight ang dating frontman ng Eraserheads sa kanyang Twitter page at nireplayan nga ang ilan sa mga questions ng netizens.

And as expected, marami nga ang nagtanong kung pisible pa bang magkasama-sama uli ang phenomenal band na Eraserheads sa isang concert kahit virtual lang o sa digital platform.

Hanggang ngayon kasi ay napakarami pa rin ang umaasa na mapanood muli ang dating grupo ni Ely na nagpe-perform lalo na raw ngayong panahon ng pandemya.

Tanong sa veteran singer-songwriter ng isa niyang fan, “Hi sir Ely! May pag asa pa po kaya magkakaroon ng Eheads reunion?”

“Pag tumakbo si Leni,” ang sagot ni Ely na ang tinutukoy nga ay si Vice-President Leni Robredo na hanggang ngayon ay wala pang desisyon kung tatakbo uli sa 2022 elections.

Isa pang reply ni Ely sa nagtanong tungkol sa Eraserheads reunion, “Jesus should come back.” 

At ang ikatlo pa niyang sagot sa kaparehong tanong ay, kapag daw nagsama-sama muli ang grupong IV of Spades na na-disband naman last year lang.

Kung matatandaan, huling nagkaroon ng reunion ang Eraserheads nang mag-perform sila sa isang mini-set noong 2016 kung saan kinanta nila ang “Maling Akala”, “Popmachine” at “Poor Man’s Grave.”

Taong 2018 naman nang may kumalat na balitang magsasama-sama uli ang grupo sa isang performance para sa UAAP men’s basketball finals. Ngunit mariin itong pinabulaanan ni Ely Buendia.

Kasunod nito, dumpensa rin ang OPM legend sa lahat ng mga nagsasabi na siya raw ang dahilan kung bakit hindi natutuloy ang  reunion concert ng Eraserheads.

“It’s not like I’m the only one deciding these things. I’m just another cog in the machinery.

“Don’t get why when it’s something negative about the band, the blame falls on me, but if it’s something positive, oh, it’s a group effort. Anyway I was just trying to warn the general public. Peace!” sabi pa ni Ely.

Read more...